SINIBAK nitong Lunes si Negros Oriental Provincial Office Director, Police Col. Crescent Tiguelo.
Ito ang inanunsyo ni PNP Public Information Office chief, PBGen. Randulph Tuano sa isinagawang press briefing nitong Lunes ng umaga.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril ng isang police sergeant sa tatlo nitong kabaro kabilang ang hepe ng Sibulan Municipal Police Station, at isang babaeng sibilyan sa bayan ng Sibulan nitong Enero 9 ng gabi.
Ginawa ang nasabing hakbang kasabay ng warning ni Acting PNP chief, PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng unit commander na hindi madidisiplina ang kanilang hanay.
Bukod sa pagkasibak sa Provincial Director ng Negros Oriental, ay sibak din sa puwesto ang Deputy Chief of Police ng Sibulan MPS dahil sa maling ulat nito na naunang sinabing nagresponde ang mga biktima sa insidente.
Napag-alaman na kasama ng suspek ang tatlong biktimang pulis na tumungo sa resto bar kung saan unang binaril ng suspek na pulis ang isang babae.
Matapos na mahuli ang suspek ng kanyang mga kabaro ay hindi ito pinosasan at nakalimutan na kuhanin ang service firearm nito na siyang ginamit sa pamamaril sa mga biktima.
(TOTO NABAJA)
36
