ISANG puganteng South Korean national na pinaghahanap ng Interpol, ang inaresto ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, Enero 11 nang arestuhin si Yun Daeyoung, 50, habang tinatangkang umalis sakay ng isang Vietnam Airlines flight patungong Hanoi.
Sa isinagawang primary inspection, lumitaw ang isang Interpol hit sa sistema ng BI, dahilan upang agad siyang i-refer ng mga opisyal para sa secondary inspection.
Kinumpirma ng BI-Interpol unit na si Yun ay may aktibong Interpol Red Notice. Agad siyang inaresto ng mga tauhan ng BI.
Ayon kay BI Interpol chief, Peter de Guzman, si Yun ay sasampahan ng kaso bilang isang “undesirable alien” alinsunod sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Sa rekord ng Interpol, sangkot umano si Yun sa money laundering na may kaugnayan sa isang goods purchase fraud syndicate sa South Korea.
Nilinlang umano niya ang isang biktima sa pamamagitan ng maling pangakong pagbabahagi sa kikitain ng isang online shopping mall, at sa gayon ay nakakuha ng 22,550,204 Korean won o mahigit 900 libong piso.
Dagdag pa rito, umano’y nadaya niya ang parehong biktima ng kabuuang 140,748,319 Korean won o humigit-kumulang 5.7 milyong piso sa pamamagitan ng 24 na magkakahiwalay na transaksyon.
Ang krimen ay saklaw ng Criminal Act ng South Korea at may katapat na parusang hanggang 10 taong pagkakakulong.
Isang warrant of arrest kaugnay ng kasong ito ang inilabas ng Daegu District Court ng Korea noong Hulyo 2025.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang pag-aresto ay patunay ng matatag na paninindigan ng ahensya laban sa transnational crime at sa mga puganteng nagtatangkang umiwas sa hustisya.
Dagdag pa ni Viado, nananatiling mahigpit ang pagbabantay ng BI sa lahat ng pantalan at paliparan sa pagpasok at paglabas ng bansa.
Si Yun ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI habang isinasagawa ang deportation proceedings at patuloy ang koordinasyon sa mga kaugnay na dayuhang awtoridad sa pagpapatupad ng batas.
(JOCELYN DOMENDEN)
35
