DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAALARMA ako sa post ng isang overseas Filipino worker (OFW) dahil maging sila na kasama sa pinagnakawan ng corrupt politicians sa Pilipinas, ay apektado sa matinding katiwalian sa bansa.
Dahil sa katiwalian na kagagawan ng mga politiko at appointees, ay nawawalan ng tiwala ang foreign employers sa OFWs bagama’t sila ay kasama sa mga biktima at pinagnakawan sa kanilang bansa.
Marami ring regular employees sa mga ahensya ng gobyerno ang gumagawa ng kabalbalan at ang mga ordinaryong Pilipino na may transaksyon sa kanilang ahensya o opisina ang kanilang binibiktima at pagdating sa mga halal na opisyal hanggang sa appointees ay mas matindi ang nakawan.
Alam ng employers sa ibang bansa ang nangyayari sa Pilipinas at dahil malawakan ang katiwalian at napakatagal nang nangyayari, kaya maging ang mga kababayan natin na wala namang kinalaman sa pagnanakaw ng mga nasa itaas, ay nadadamay na.
Mantakin mo hindi na raw pinagkakatiwalaan ang karamihan sa OFWs at lagi silang pinagdududahan kaya hindi sila nabibigyan ng mataas na posisyon sa kanilang trabaho kahit anong galing nila.
Para bang iniisip ng foreign employers na kapag Pinoy ay magnanakaw na rin, na hindi makatarungan pero ang mga kawatan sa pamahalaan, sa burukrasya ay walang pakialam basta gumanda lang ang kanilang buhay, maraming kayamanan ang ninakaw nila sa sambayanang Pilipino.
Hindi ko sinasabi na ngayon lang nangyayari ang malawakang nakawang ito sa Pilipinas. Matagal na itong nangyayari pero nalantad nang husto dahil sa anomalya sa flood control projects kung saan ibinubulsa ng mga kawatan ang pondo para sa proyektong magliligtas sa mamamayan sa matinding epekto ng baha.
Bukod sa pagnanakaw noong panahon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ay marami ring isyu ng katiwalian noong panahon ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte hanggang sa administrasyon ni Bongbong Marcos.
Noong panahon lang ni Noynoy may nakulong na sangkot daw sa pagnanakaw sa kaban ng bayan pero pag-upo ni Rodrigo ay nakalabas sila at muling nakabalik sa poder at lumala pa ang nakawan pagkatapos.
Kaya lumalakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno ay dahil wala namang naparurusahan na malalaking isda at buwaya mula noong panahon ni Marcos Sr., hanggang sa kasalukuyang administrasyon at kung may nakulong man ay pinalalabas din.
Ngayon ay nadadamay na ang mga ordinaryong Pilipino lalo na ang OFWs at may mga balita na ayaw ring palitan ang dalang dolyar ng ilang Pinoy dahil sa dudang ninakaw ito sa mamamayan.
Hindi ako umaasa na mahihiya ang mga politiko, appointees at regular employees na mga tiwali.
34
