‘Yang mga gahaman at mapagsamantala sa pera ng bayan

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

KUNG talagang seryoso ang sinomang nanunungkulan sa gobyerno sa kasalukuyan ay panahon na po marahil na magwalis-walis ang mga ito sa loob at labas ng kanilang tahanan.

Iyon po ang nakikitang solusyon ng inyong abang lingkod para magkaroon ng tahimik na kalooban si Juan Dela Cruz, ang mailagay sa basurahan at maitapon at masunog ang mga basura ng pamahalaan.

Graft and corruption, pandarambong, pang-aabuso sa poder, kapabayaan at kainutilan sa serbisyo publiko at marami pang iba — ang mga ito po ang mga problema.

***

Uulit-ulitin natin ang mga tanong: Bakit may mga tao na gumagawa ng paraan upang sila ay mai-appoint sa matataas na tungkulin sa “makakatas na puwesto sa maraming ahensya ng pamahalaan”?

Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?

Maliwanag na maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila na kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.

Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at magsamantala sa salapi ng bayan?

***

Sa mga taga-Maynila, dapat nating tanggapin ang katotohanan: Manila is the gateway to the Philippines, Manila is the face and image of the Philippines, the Pearl of the Orient.

Aminin natin: Ang Maynila ang mukha ng ating bansa; ito ang bukana ng Pilipinas sa mundo — ito ang Perlas ng Silanganan!

At banal na tungkulin nating mga taga-Maynila, na pangalagaan, panatilihin ang marangal na pagkakilala sa Maynila; dapat nating bigyang paggalang ang Maynila, tulad ng paggalang na iginagawad ng ibang bansa sa siyudad.

***

Inaprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila makalipas ang mahigit isang dekada, ang pag-amyenda sa singil sa koleksyon ng basura, bunsod ng pagdami ng basura, pagtaas ng hauling cost, at aktuwal na gastos sa serbisyo.

Sa ilalim ng Ordinance No. 9151, na ipinasa ng Manila City Council noong Nobyembre 2025 at nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Disyembre 1, binago ang garbage fees na huling na-update noon pang 2013.

Ayon kay City Treasurer Atty. Paul Vega, dumaan sa masusing pag-aaral ang bagong singil upang tumugma sa kasalukuyang dami ng basurang nalilikha at totoong gastusin ng lungsod.

Nilinaw ni Vega na hindi kasama ang mga residential household sa taas-singil at mga negosyo lamang ang maaapektuhan ng ordinansa.

“Mahigit sampung taon nang hindi nagbabago ang garbage fees at hindi na ito tugma sa aktuwal na dami ng basura at gastos sa koleksyon,” ani Vega.

Sinabi naman ni City Legal Officer Atty. Luch Gempis Jr., matagal nang kailangang i-update ang garbage fees dahil sa patuloy na pagtaas ng basura mula sa commercial at industrial establishments, gayundin ang mahal na bayad sa hauling.

Dagdag pa ni Gempis, inabisuhan ang lungsod ng MMDA na ilipat ang basurang kinokolekta sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal, na nagresulta sa mas mataas na gastos sa transportasyon.

Sa ilalim ng ordinansa, nakabatay sa uri ng negosyo at dami ng basurang nalilikha ang singil, na mas maraming basura, mas mataas ang bayad.

“Batay ito sa aktuwal na garbage production ng bawat industriya,” paliwanag ni Gempis.

Tinalakay rin ni Gempis ang isyu sa real property valuation, iginiit na alinsunod ito sa R.A. 12001 na nag-aatas sa mga LGU na i-update ang market values tuwing tatlong taon. Aminado si Gempis na huling na-update ang values sa Maynila noong 2013.

Upang mabawasan ang epekto sa mga nagbabayad ng buwis, ipatutupad ang dalawang yugto ng transitory increase, kasama ang mga amnesty program at insentibo para sa maagang pagbabayad.

Samantala, sinabi ni Bureau of Permits Director Levi Facundo na maaaring sumangguni ang mga negosyante sa schedule ng fees sa Ordinance 9151 upang malinawan sa kanilang garbage fee assessment.

“Awtomatikong kinukuwenta ang garbage fee na makikita sa eSOA ng mga negosyo batay sa sistemang sumusunod sa ordinansa,” dagdag ni Facundo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

4

Related posts

Leave a Comment