RAPIDO ni PATRICK TULFO
NASA labing-apat (14) na sasakyan na ni dating Congressman Zaldy Co ang kasalukuyang hawak ngayon ng Highway Patrol Group (HPG).
Sa bisa umano ng search warrant, nakuha ng HPG ang 14 na sasakyan na umano’y pag aari ng dating congressman, at mahigit sa 10 pa ang hinahanap.
Ilan umano sa mga ito ay nakapangalan sa construction business ni Co na Sunwest.
Pinabulaanan naman ni Atty. Rundain, abogado ni Co na pag-aari ni Co ang ibang mga sasakyan na hinahanap ng HPG, pero nagsabi itong itu-turnover nila ang mga ito. Ano ang itu-turnover kung hindi naman pala kay Cong ang mga ito? Ano ba talaga?
Tulad ng mga Discaya, sa rami ng mga sasakyan ni Cong. Co (na ngayon ay nagtatago pa rin), mapaiisip ka kung saan galing ang perang ipinangbili niya ng mga sasakyan, kung totoong hindi siya sangkot sa korupsyon sa gobyerno.
Bukod sa mga sasakyan na karamihan ay mga luxury vehicle, nauna na ring nai-report sa mga balita na nagmamay-ari rin si Co ng mga eroplano at helicopter, at isa-isa na umano itong ibinibenta ng pamilya ni Co.
Mukhang mahihirapan si Co na kumbinsihin ang taumbayan na wala siyang kinita o kinalaman sa kaliwa’t kanang ghost projects sa bansa. Hangga’t hindi siya umuuwi sa bansa ay mananatiling nakabantay sa kanya ang madla.
Kailangang umuwi siya sa bansa upang personal na magsampa ng kaso at patotohanang tunay at hindi kasinungalingan ang inilabas niyang mga pahayag noong nakaraang taon.
3
