CABRAL ITINURONG MASTERMIND, BBM LIGTAS NA BA SA FLOOD CONTROL SCAM?

PUNA JOEL O. AMONGO

ILANG araw lang matapos matagpuan ang bangkay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina “Cathy” Cabral sa malalim na bangin sa Tuba, Benguet ay nagsagawa ng press conference si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Camp Crame, Quezon City.

Sa presscon na ito, kinumpirma ng kalihim ng DILG na si Cabral nga ang nakita sa nasabing bangin at sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad ay lumalabas na walang foul play na naganap sa pagpanaw ng DPWH official.

Sa pulong balitaan ding ito, sinabi ni Sec. Remulla na si Cabral ay kasama ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na principal architects sa flood control scam.

Ayon pa kay Remulla, si Usec. Cabral ay isa rin sa masterminds sa flood control scandal.

Kung sinabi ni Remulla na si Cabral ay isa sa masterminds sa korupsyon sa DPWH, sino ang iba pa niyang mga kasama? At ano ang pinagbasehan ni Remulla?

Si Cabral ay isa lamang undersecretary sa DPWH, mas mataas pa sa kanya si Sec. Manuel Bonoan.

Ang nagtalaga kay DPWH Sec. Bonoan ay si Pangulong Junjun Marcos, imposibleng hindi alam ni Bonoan ang ginagawa ni Cabral lalo na sa usapin ng pagkakaperahan.

Imposible ring hindi alam ni Junjun Marcos ang ginagawa ng kanyang kalihim sa DPWH, kung ang pinag-uusapan ay milyon o bilyong piso?

Ngayon dahil nawala na si Cabral, siya ay isa na sa itinuturong masterminds sa katiwalian sa DPWH. Paano niya maipagtatanggol ang kanyang sarili? Hanggang sa kanya na lang ba magtatapos ang kwento ng katiwalian sa DPWH?

Noong buhay pa siya, hindi n’yo siya piniga para malaman ang katotohanan, ngayon wala na siya ay saka n’yo ngayon sasabihin na siya ang mastermind.

Ito ba ay bahagi ng script na sinasabi ni Mike Defensor?

Dahil hindi na kayang sumagot sa akusasyon laban sa kanya si Usec. Cabral ay ginawa n’yo na siyang mastermind, ganoon ba ‘yun?

Isa siyang (Cabral) mastermind, sino ang isasama n’yo sa kanya? Si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na naglabas ng kanyang Part 1, 2, 3, 4, 5 at 6 video expose na nagdidiin sa pamilyang Marcos sa katiwalian sa gobyerno?

Noong hindi pa naglalabas ng kanyang expose si Zaldy Co ay ayaw n’yo siyang pauwiin sa Pilipinas, ngayon dahil sa kanyang pagsisiwalat laban kina BBM, Martin Romualdez at ilang miyembro nila sa pamilya, sa korupsyon ay pilit n’yo na siyang pinauuwi.

Ang script na ito ay kitang-kita ng mga Pilipino na gusto n’yong maipataw ang lahat ng mga kasalanan sa korupsyon kina Zaldy Co at Usec. Cathy Cabral para hindi na umabot ang imbestigasyon kay Junjun Marcos.

Kahit anong gawin ninyong pagtatakip, para mailihis ang isyu at mailigtas ninyo ang tunay na utak sa kalokohang ito, ay lalabas at lalabas din ‘yan.

Kung sa paningin ng mga Pilipino ay makakawala kayo, sa mata ng Panginoon ay hindi kayo makaliligtas, darating at darating ang inyong katapusan.

Hindi lang iisang tao ang inyong pinagsamantalahan kundi lahat ng mga Pilipino, hindi makapapayag ang Panginoon na habambuhay n’yong lolokohin ang publiko.

-oOo-

Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45gmail.com

31

Related posts

Leave a Comment