LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS
WALANG masama sa paghahain ng kaso. Karapatan ‘yan ng bawat mamamayan.
Pero may mali at may masamang motibo kapag alam mo nang wala nang basehan, pero tuloy pa rin.
Kapag malinaw na ang sinabi ng Supreme Court.
Kapag malinaw na ang kilos ng Kongreso.
Kapag malinaw na ang nangyari sa totoong buhay.
Ang pagpupumilit ay hindi na paghahanap ng hustisya. May agenda na ‘yan.
Sa isyung ito, malinaw ang mga katotohanan—walang malabong bahagi.
Una, malinaw ang desisyon ng Supreme Court na walang kriminal na pananagutan si Recto. Hindi ito kuro-kuro, hindi interpretasyon, kundi tahasang pahayag ng mga Mahistrado.
Ikalawa, ang P60 bilyon na paulit-ulit binabanggit ay naibalik na sa PhilHealth at hindi lang basta naibalik. Pinalakas pa ang ahensya. Walang nawawala. Walang ninakaw.
Ikatlo, walang ebidensya ng masamang loob, pandaraya, o kapabayaan. Walang personal na pakinabang. Walang iniwang butas sa pondo.
Sa batas, simple lang ang prinsipyo: Kapag nawala na ang isyu, wala nang kaso.
Kapag naresolba na ang problema, tapos na ang usapan.
Ang tawag diyan ay moot and academic.
Kaya ang tanong ngayon ay bakit may pilit pa ring kaso?
Dito pumapasok ang mas malaking usapin: sino ang nakikinabang sa ingay?
Dahil kapag ang kaso ay ginamit para magpasikat, magpabango ng pangalan, o manira ng reputasyon, hindi katarungan ang panalo kundi pulitika.
At mas delikado pa rito: kapag ang pagsunod sa batas ay ginawang krimen, napaparalisa ang gobyerno.
Sino pa ang tatanggap ng posisyon kung bawat desisyon ay pwedeng gawing kaso, kahit tapos na ang isyu?
Sa puntong ito, hindi na ito laban kay Recto.
Ito ay laban sa maayos na pamamahala.
At kung seryoso talaga tayo sa hustisya, dapat marunong din tayong kumilala kung kailan tapos na ang usapan.
2
