GUMAMIT NGA BA NG DUMMY SI ROMUALDEZ SA PAGBILI NG PROPERTY SA MAKATI?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUMILITAW ngayon ang isang mahalagang usapin sa larangan ng pampublikong pananagutan: ang planong imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y paggamit ng front sa pagbili ng isang mamahaling house and lot sa isang gated community sa Makati City na iniuugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, ito ang saklaw ng balak na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na kanyang pinamumunuan. May mga pahayag na nagsusulong ng tanong kung ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya ay may papel sa naturang transaksyon.

Sinabi ni Lacson na nagsasagawa na siya ng koordinasyon sa dating may-ari ng property upang malaman kung may tuwirang koneksyon si Romualdez at ang mag-asawang Discaya.

“Para pagkatiwalaan mo ‘yung isang contractor na nasasangkot sa P207.5 billion na kontrata mula 2016 hanggang 2025, napakalaki. So, kung merong connection, dapat maliwanagan natin, kung bakit ganon kalakas para ipagkatiwala mo ‘yung pagbili ng isang house and lot sa isang sikat na subdivision sa Makati City,” pahayag ng senador.

Binigyang-diin pa niya na kung mapatutunayang may ugnayan ang dating House Speaker sa mga Discaya, posibleng may iba pang mas malalaking kasunduan na dapat siyasatin.

Dapat lamang na tanggapin at suportahan ang motu proprio investigation laban kay Romualdez. Ito ang inaasahang hakbang kung talagang gusto ng Marcos Jr. administration ng good governance, transparency, at accountability, lalo’t matagal nang inuusisa ang sobrang kayamanan ng dating House leader.

Matatandaang isiniwalat ni Navotas Rep. Toby Tiangco na tinanong mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Romualdez kung ilang bahay, helicopter, at caviar pa ang kailangan nila ni Zaldy Co.

Ayon kay Tiangco, nagalit si PBBM matapos ilipat nina Romualdez at Co ang pondo ng mga flagship program ng Executive patungo sa unprogrammed funds. Ito ang naging mitsa ng matinding pagbubunyag ng Pangulo sa isyu ng flood control corruption sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang taon.

Sa puntong ito, hindi na maituturing na haka-haka ang mga paratang laban kay Romualdez. May mga salaysay na nagmumula mismo sa mga taong sangkot, kabilang ang pag-amin ni Co na naghatid siya kay Romualdez ng mga maleta ng pera.

Gayunman, tila nananatiling tahimik si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa kabila ng mga testimonya at ebidensyang nagtuturo kay Romualdez sa pinakamalaking katiwalian sa bansa.

Sa halip na malalakas na rebelasyon at matitibay na dokumento, tila mas pinaniniwalaan pa ni Remulla ang mga hearsay testimony, lalo na ang pabago-bagong affidavit ni dating Department of Public Works and Highways Usec. Roberto Bernardo na paulit-ulit, inaangkop sa isang naratibo na nagliligtas sa mga tunay na may sala.

Sa isang demokratikong lipunan, ang imbestigasyon ay hindi parusa. Ito ay paalala na ang kapangyarihan, gaano man kataas, ay kailangang laging may kaakibat na pananagutan at ang katotohanan ay hindi dapat katakutan, bagkus ay buong tapang na harapin.

2

Related posts

Leave a Comment