PLUNDER VS ZALDY CO, BONG REVILLA, JINGGOY – DOJ

KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na kasalukuyan nitong iniimbestigahan ang tatlong kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, sangkot sa mga kaso sina dating Congressman Zaldy Co, dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Senador Jinggoy Estrada.

Sinabi ng DOJ na nagsimula na ang preliminary investigation noong Enero 5, kabilang ang mga reklamo sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct for Public Officials.

Nilinaw ng DOJ na ang mga plunder case ay direktang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at hindi idinaan sa Office of the Ombudsman.

Sa kabuuan, 24 na reklamo na ang iniimbestigahan ng DOJ, kabilang ang lima na isinumite na para sa resolusyon kaugnay ng Syms Construction, anim na kaso laban sa WAWAO Builders at Topnotch Catalyst Builders Inc., at 13 reklamo na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

(JULIET PACOT)

1

Related posts

Leave a Comment