NAGBABALA ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko hinggil sa fabricated stories at misleading social media posts na gumagamit ng artificial intelligence o AI-generated content at hindi awtorisadong larawan ng mga BOC personnel para lumikha ng hindi totoo at nakasisirang narratives.
Ayon sa BOC, ang mga mapanlinlang na materyales ay idinisenyo para iligaw ang taong bayan, gayahin o magpanggap na mga opisyal, at wasakin ang tiwala sa kawanihan.
Mariing itinanggi ng BOC ang kumakalat na Facebook post ng “SAY – Story Around You,” hinggil sa umano’y customs officer na nagtangkang mangikil ng umuwing overseas Filipino worker (OFW), kasabay ng paglilinaw na wala silang ganitong uri ng insidente kung saan nasasangkot ang mga tauhan ng ahensya.
“This narrative is purely fictional and without factual basis. No actual report of such an incident exists, and no BOC personnel were involved. The content is AI-generated, intended to mislead the public and spread misinformation,” ayon sa pamunuan ng BOC.
Pinasinungalingan din ng BOC ang mga post na gumagamit ng larawan ng kanilang mga tauhan upang magpahiwatig ng pang-aabala sa mga pasahero at bagahe.
Iginiit din ng BOC na ang naturang paggamit ng mga larawan ay walang pahintulot at lumalabag sa Data Privacy Act of 2012.
Layunin umano ng mga naturang pekeng post na linlangin ang publiko, magpanggap bilang mga opisyal, at sirain ang kredibilidad ng ahensya.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
(JESSE RUIZ)
3
