PINAGTULUNGANG batikusin ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang China dahil sa direktang pagbabanta ng mga ito sa Pilipinas sa pagtatanggol sa kanilang karapatan sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pinagsamang pahayag, sinabi ng mga kinatawan ng Liberal Party (LP), Akbayan party-list at Mamamayang Liberal (ML) party-list na hindi lamang si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman na si Commodore Jay Tarriela ang binantaan ng China kundi ang mismong mga Pilipino na hindi dapat palagpasin.
Nauna rito, sinabihan ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun ang isang hindi tinukoy na Philippine spokesman na tumigil sa pagkakalat ng umano’y maling impormasyon sa WPS “or pay the price”.
“Walang estado ang may awtoridad na magbanta sa mga opisyal ng ibang soberanong bansa para sa pagpapahayag tungkol sa mga beripikadong pangyayari sa loob ng sariling nasasakupang dagat,” ayon sa statement ng mga kinatawan ng mga nabanggit na grupo sa Kamara.
Ipinaliwanag ng mga ito na may batayan ang mga pahayag ng mga opisyales ng Pilipinas patungkol sa mga insidente sa WPS tulad ng panghaharas ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipino sa nasabing karagatan.
Naaayon din anila ang pagtatanggol ni Tarriela sa WPS na idineklara ng United Nations (UN) na pag-aari ng Pilipinas subalit inaangkin at ilegal na sinasakop ng China.
“Ang pagtawag na “probokasyon” sa pagiging bukas ay isang mapangutyang pagtatangka na lokohin ang internasyonal na komunidad. Hindi nakakapagpataas ng tensiyon ang pagsasabi ng totoo; ang mga iligal na pagsalakay ng Tsina, ang mga agresibong maniobra, at mga lantarang pagbabanta ang ganoon,” ayon sa nasabing grupo.
Dahil dito, inaatasan ng mga mambabatas ang Department of Foreign Affairs na maghain ng diplomatic protest sa lalong madaling panahon dahil direktang binabantaan na ng China ang mga Pilipino dahil hindi bumibigay sa kanilang kagustuhan na masakop ang WPS.
Ang Pilipinas ay dapat ligtas na lugar para sa mga Pilipino. Hindi tayo dapat tinatakot, binabalaan, at pinupuntirya sa sarili nating tahanan ng isang panauhin na gumagamit ng pribilehiyong diplomatiko para salakayin tayo,” ayon sa mga Kongresista mula sa mga nabanggit na organisasyon.
(BERNARD TAGUINOD)
60
