‘BIG NAMES’ SA MISSING SABUNGEROS CASE WALANG LUSOT – MALAKANYANG

TINIYAK ng Malakanyang na walang sinoman—maliit man o malaking pangalan—ang makatatakas sa batas kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungeros.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na posibleng nagtatago na sa Cambodia o Thailand ang puganteng negosyanteng si Atong Ang.

Ayon kay Remulla, ibinunyag ng whistleblower na si Julie Patidongan na may kakayahan umanong bumiyahe si Ang sa Cambodia gamit ang mga backdoor route upang makaiwas sa mga awtoridad.

Sinabi ni PCO Undersecretary Claire Castro na matagal nang mino-monitor ng gobyerno ang kaso ng missing sabungeros.

“So, kung may malaking tao man na nasasangkot sa ganitong karumal-dumal na krimen, hindi po papayagan ng gobyerno na hindi managot ang dapat managot sa hustisya,” ani Castro.

Binigyang-diin nito na nananatiling committed ang administrasyon sa paghahabol ng hustisya at ang mga high-profile cases ay binibigyan ng nararapat na pansin.

Samantala, nahaharap si Atong Ang sa multiple arrest warrants kaugnay ng umano’y pagkawala at pagkamatay ng ilang sabungeros.

(CHRISTIAN DALE)

39

Related posts

Leave a Comment