KINUMPIRMA ng Malakanyang na tatlong opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ang sinibak sa puwesto kaugnay ng pagre-record ng content ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy habang nakadetine sa BI facility.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang mga video ay kinunan noong mga unang araw ng pagkakaaresto kay Vitaly.
“Tatlo po ang natanggal na immigration officials at marami na-confiscate na cellphones,” ani Castro.
Dagdag pa niya, paiigtingin pa ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang sangkot sa paglabag sa detention protocols.
“Kung may iba pang mapapatunayang may pagkukulang o pang-aabuso, kailangan talagang matanggal sa puwesto,” giit ni Castro.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ang Malakanyang sa BI upang matiyak ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin sa loob ng detention facilities at maiwasan ang pag-uulit ng insidente.
Sa ulat, inaresto si Vitaly dahil sa pambabastos at panggugulo sa mga Pilipino para sa kanyang online content. Naipa-deport na siya pabalik sa Russia at hindi na papayagang makabalik pa sa Pilipinas.
(CHRISTIAN DALE)
48
