PORMAL nang inihain ng abogadong si Eldrige Marvin B. Aceron ang ethics complaint laban kay Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, Chairman ng Senate Committee on Ethics and Privileges, dahil sa umano’y pagpapabaya sa sinumpaang tungkulin bilang mambabatas.
Kinumpirma na natanggap ng opisina ni Senate President Vicente “Tito” Sotto ang reklamo noong Enero 22, 2026.
Ugat ng reklamo ang hindi umano pag-aksyon ni Sen. JV sa ethics complaint laban kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero, na inihain pa noong Oktubre 2, 2025. Makalipas ang 110 araw, wala pa ring case number at wala ring abiso sa nagreklamo hinggil sa estado ng kaso.
Nasa orihinal na reklamo ang umano’y ₱35 milyon na nawawala sa financial statements at ₱16.67 bilyon na government contracts na napunta sa isang campaign donor ni Escudero. Suportado ito ng 347 co-complainants, kabilang sina Constitutional Commissioner Prof. Ed Garcia at National Artist Virgilio S. Almario.
“Kung ayaw, may dahilan. Kung gusto, maraming paraan,” ani Atty. Aceron.
Ikinumpara ni Aceron ang Senado sa House of Representatives, kung saan ang ethics complaint laban kay Rep. Kiko Barzaga ay umusad mula filing hanggang hatol sa loob lamang ng 77 araw, na nagresulta sa 60-day suspension.
Giit pa ni Aceron, sa barangay, limang minuto lang ay may case number na.
Dahil dito, hinihiling ng reklamo ang pagtanggal kay Sen. JV bilang Ethics Committee Chair, ang inhibition niya sa mga kasong sangkot si Escudero, at mga reporma gaya ng mandatory docketing within five working days, public complaint registry, at year-round processing ng ethics complaints.
“Hindi namin hinihiling ang araw at mga bituin. Case number lang—gaya ng sa barangay,” dagdag ni Aceron.
37
