MASUSI nang nagsasagawa ng background check ang Philippine National Police sa mga napatay na suspek sa pananambang kay Shariff Aguak Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan sa Maguindanao del Sur.
Ito ay kasunod ng pahayag ng alkalde na posibleng magkakaugnay ang apat na magkakahiwalay na pagtatangka sa kanyang buhay.
Ayon kay PBGen. Randulf Tuaño, hepe ng PNP Public Information Office, binuo ang Special Investigation Task Group (SITG) upang mangalap ng forensic evidence at tukuyin kung ang mga salarin ay mga hired killer.
Inatasan din ni PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez ang PNP-BAR na tukuyin at arestuhin ang mastermind sa likod ng pag-atake.
“Sini-zero in ngayon ng SITG ang posibilidad ng pagkuha ng gunman,” ani Tuaño.
Sa ambush noong Linggo ng umaga sa Brgy. Poblacion, sugatan ang dalawang security detail ng alkalde. Apat na gunmen naman ang napatay sa hot pursuit operation, kabilang ang isang alias Raprap, na may mga kasong murder, robbery, at paglabag sa 2023 election gun ban.
Ayon sa ulat, si Raprap ang nakitang bumaba sa isang Suzuki APV na may hawak umanong rocket-propelled grenade.
(JESSE RUIZ)
2
