LUBHANG ikinaalarma ng sektor ng negosyo ang inilabas na economic forecast ng De La Salle University (DLSU) na 4.5% growth lamang para sa 2026, malayong-malayo sa 6.8% growth target ng pamahalaan.
Ayon sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), nagsisilbi itong malinaw na babala sa direksiyon ng ekonomiya ng bansa.
“This pace, below our nation’s potential,” pahayag ni FFCCCII President Victor Lim, kasabay ng panawagang kailangan ang mabilis at sama-samang pagtugon mula sa pamahalaan at pribadong sektor.
Binanggit ni Lim na malayo rin ang mga naitalang economic figures sa target ng gobyerno para sa 2025 na 5.5 hanggang 6.5 percent, kung saan 5.4% lamang ang naitala noong first quarter at 5.5% sa second quarter.
Ayon sa FFCCCII, isa sa mga pangunahing dahilan ng mabagal na pag-usad ng ekonomiya ay ang maliit na government spending, partikular sa mga priority projects, kasunod ng pagputok ng multi-bilyong pisong flood control corruption scandal.
Dahil dito, nanawagan ang grupo na agarang ipatupad ng national leadership ang kanilang decisive seven-pillar reform agenda upang maibalik ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at mapabilis ang inclusive growth.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma ang:
Modernisasyon ng manufacturing at agrikultura gamit ang teknolohiya at food security incentives
Sistematikong anti-corruption na may tunay at transparent na pagpapatupad
Mas agresibong paghikayat sa local at foreign investments
Isang komprehensibong tourism renaissance masterplan
Pagbawas ng kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon, skills training at universal healthcare
Pabilisin ang strategic infrastructure tulad ng ports, hubs at broadband
Green at digital transformation upang gawing regional hub ang Pilipinas
“This is a clarion call,” ani Lim.
Tiniyak ng FFCCCII ang buong suporta ng business community sa pamahalaan upang maisakatuparan ang mga reporma.
“By uniting behind these reforms, we can build the resilient, soaring economy every Filipino deserves,” dagdag pa ni Lim.
(JESSE RUIZ)
2
