AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
KUNG ako ang tatanungin, hindi na kailangang padaanin pa sa mga politiko ang alokasyon ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) para sa 2026 National Budget.
Bakit padaraanin pa sa mga politiko, para magkaroon ng utang na loob ang mga Pilipino sa kanila?
Umani ng batikos ang Department of Health (DOH) matapos lumutang ang mga dokumentong umano’y naglalantad na ang pinakamalaking alokasyon ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) sa panukalang 2026 National Budget, ay napunta kay Senator Christopher “Bong” Go.
Batay sa ulat, nag-leak umano ang mga dokumento mula sa tanggapan ni DOH Undersecretary Elmer Punzalan. Sa mga annex ng panukalang budget ng DOH, nakasaad ang listahan ng MAIP allocations na iniuugnay sa ilang senador bilang bahagi umano ng budget amendments.
Sa nabanggit na listahan, si Sen. Go ang may pinakamalaking alokasyon na umaabot sa P300 milyon, sumunod umano si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may P200 milyon.
Ang paglalaan ay tahasang sumasalungat sa bagong polisiya ng pamahalaan na nagbabawal sa pag-uugnay ng MAIP sa mga politiko.
Layunin ng patakarang ito na wakasan ang “patronage politics” at tiyaking ang tulong medikal ay direktang napupunta sa mga pasyente at walang tatak ng pulitika.
Magugunitang sinabi ni DOH Undersecretary Albert Domingo na ang pondo ng MAIP ay dapat direktang i-download lamang sa mga ospital na pinatatakbo ng mga local government unit (LGU), at hindi daraan o iniuugnay sa mga mambabatas.
Kung ang tulong medikal ng gobyerno ay padaraanin pa sa mga politiko ay pinahihirapan lang natin ang ating mga kababayan.
Hindi lahat ng nangangailangan ng tulong medikal ay mabibigyan nito, lalo na kung hindi niya kakampi ang politiko na may hawak nito.
Mas makabubuti na ilagay na lamang ito sa mga pampublikong ospital at sila na ang bahalang magbigay sa nangangailangan, siguradong magiging patas ang distribusyon nito.
Sinikap natin na makuha ang panig nina Sens. Go at Sotto kaugnay sa isyung ito subalit natin sila makontak.
oOo
Binabati natin ang Northern Police District (NPD), sa pamumuno ni PBGeneral Christopher Dela Cruz, sa kanilang magandang accomplishment sa pagkakasabat nila ng P10.5M halaga ng drug precursors, at laboratory equipment sa kanilang search warrant operation sa Caloocan City kamakailan.
Sa pagkakasabat na ‘yan ay maraming buhay ng mga Pilipino ang nailigtas sa tiyak na kapahamakan. Mabuhay ang NPD!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
4
