PUNA ni JOEL O. AMONGO
OBYUS na pinipigilan ng ilang mga opisyal ng Secretary General (SecGen) ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na malaman ng mga Pilipino ang katotohanan na bumabalot sa kontrobersiya ng korupsyon sa kasalukuyang administrasyon.
Ito ay matapos na tanggihan ng isang opisyal ng SecGen ang inihaing impeachment ng grupo ni Atty. Ferdinand Topacio laban kay Pangulong Junjun Marcos, Jr. kamakailan.
Ang ihahaing impeachment sana ng grupo ni Atty. Topacio ay tinaguriang “impeachment ng bayan laban kay BBM” dahil ito ay maituturing na pinakamalakas at posibleng magpababa mula sa Palasyo ng Malakanyang sa presidente ng bansa.
Ito rin ang makapagbibigay ng hustisya sa mga Pilipino na nanakawan ng bilyon-bilyong piso mula sa mga maanomalyang proyekto na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsimula noong 2023, 2024 at 2025.
Sa korupsyong ito ay lahat ng mga Pilipino ang apektado, maging pro-BBM ka man o anti, ay kasama tayong lahat sa ninakawan dahil ang kanilang kinuha ay nagmula sa buwis ng taumbayan.
Ang hindi pagtanggap ng Office of the Secretary General ng Kamara sa impeachment na inihain ng grupo ni Atty. Topacio, ay nagpapatunay na mayroon silang pinagtatakpan at ayaw nilang managot ito sa ginawang kasalanan.
Malinaw pa sa sikat na araw ang batas na kahit wala sa kanyang opisina si SecGen Atty. Cheloy Garafil ay maaaring tanggapin ng kahit sinong empleyadong naiwan sa Office of the Secretary General, basta tatakan ang dokumento na nakalagay na na-received ito.
Kaya hindi tinanggap ang ihahaing impeachment ng grupo ni Atty. Topacio ay dahil wala raw umano si SecGen. Garafil sa kanyang opisina at nasa bansang Taiwan ito.
Anong pakiramdam n’yo, ang Office of the SecGen ay pribadong opisina ng inyong boss? Nakalimutan n’yo na ang ginagamit na pondo sa pagtatakbo niyan ay galing sa buwis ng mga Pilipino? “MAHIYA NAMAN KAYO!” sabi ng inyong boss (BBM).
Maging ang impeachment case na inihain ng Makabayan Bloc ay hindi rin tinanggap, iisa rin ang dahilan, wala sa kanyang opisina si Garapal este mali, Garafil pala.
Dahil wala sa kanyang opisina si Garafil ay hindi na tatakbo ang Office of the Secretary General? Ibang klase kayo!
Iisang tao lang ang inyong pinaglilingkuran, hindi ang publiko?
Ayon sa grupo ni Atty. Topacio, ang problemang ito ay kanilang idudulog sa Korte Suprema para mamulat ang mga mata ng mga tao na nasa Office of the SecGen, na mali ang kanilang ginagawa.
May nagsasabi na ang pera ay nakabubulag daw?
Alalahanin n’yo, mga nasa Office of the SecGen, hindi lahat ng panahon ay malakas kayo, darating ang panahon na hihina rin kayo at sisingilin kayo sa hindi magandang pinaggagawa n’yo.
Lantaran ang paglabag n’yo sa batas sa hindi pagtanggap ng impeachment laban kay BBM, sa ayaw o sa gusto n’yo, pagdating ng taong 2028 ay bababa siya sa Palasyo ng Malakanyang.
Iisa lang ang sigurado ako, hindi titigil ang grupo ni Atty. Topacio na walang mananagot sa ginawa n’yong hindi pagtanggap sa kanilang inihaing impeachment laban kay BBM.
Uulitin ko, ang impeachment nila ay kinakatawan ng mga Pilipino na naghahangad ng hustisya laban sa mga nagnakaw sa kaban ng bayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
5
