PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ng Flood Monitoring Command Center ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Manila North Cemetery.
Layong palakasin ng bagong pasilidad ang kahandaan ng lungsod laban sa pagbaha sa pamamagitan ng real-time flood monitoring at mas maayos na koordinasyon ng pagtugon tuwing may bagyo at malalakas na pag-ulan.
Magsisilbi ang command center bilang sentro ng pagmamanman sa mga ilog, estero, at iba pang flood-prone areas sa Maynila upang mas mapabilis ang pagdedesisyon ng mga awtoridad sa oras ng sakuna.
Kasama sa proyekto ang command and control center, server rooms, opisina at training areas para sa MDRRMO personnel, mortuary, at tatlong air-conditioned public viewing rooms, bukod pa sa mga support facilities tulad ng generator room at mga elevator.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalaga ang tumpak na datos at maagap na aksyon upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Manileño, lalo’t taunang problema ng lungsod ang matinding pagbaha.
Binigyang-diin din na ang proyekto ay nakatuon sa agarang aksyon at serbisyong direktang pakikinabangan ng mamamayan, kabilang ang libreng air-conditioned viewing rooms para sa mga pamilyang kapos sa espasyo at maayos na pasilidad para sa pangangalaga ng mga bangkay sa panahon ng kalamidad.
(JOCELYN DOMENDEN)
13
