Cong. Ompong Ordanes nanawagan ng mas matibay na health sector, pagpapalawak sa no-balance billing ng PhilHealth

Muling binigyang-diin ni Senior Citizens Party List Representative Cong. Ompong Ordanes ang agarang reporma at mas matibay na polisiya sa sektor ng kalusugan kasunod ng pangangalampag sa PhilHealth na palawigin ang zero-balance billing.

Ayon kay Ordanes, hindi dapat maisantabi ang kalusugan ng mga nakakatanda, maging ng mga Kabataan, sa listahan ng prayoridad ng gobyerno.

“Sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa kalusugan, malinaw na dapat itong maging pangunahing prayoridad ng pamahalaan. Ang kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino—mula sa kabataan hanggang sa ating mga senior citizens,” saad ng mambabatas.

Paliwanag nito, marami pa ring Pilipino, higit lalo ang mga seniors, na nahihirapan pa rin sa gastusin pagdating sa usaping kalusugan. Ito ay sa kabila ng pag-iral ng Universal Health Care Law.

Iginiit ni Ordanes na mahalaga ang papel ng PhilHealth sa pagbibigay-proteksyon sa lahat ng mamamayan at hinikayat ang ahensya na gampanan nang buo ang mandato nito na magbigay ng abot-kaya, sapat at de‑kalidad na serbisyong pangkalusugan sa lahat ng mamamayan sa pamamagitan ng isang sistemang nagtitipon ng pondo mula sa kontribusyon ng miyembro upang tustusan ang kanilang benepisyo.

“Hindi sapat na may benepisyo lamang sa papel. Dapat itong maramdaman ng mamamayan sa aktwal na gamutan,” ani Ordanes. Ayon sa kanya, bagama’t nakatulong ang no-balance billing (NBB) sa mga indigent na pasyente, nananatiling limitado ang saklaw nito.

“Panahon na upang palawakin ang no-balance billing at isama ang mas maraming Pilipino lalo na ang mga patuloy na nag-aambag sa ekonomiya at nagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth,” sambit niya.

Ang nasabing panawagan ni Senior Citizens Party List ay kasunod ng pakikipagpulong ni Executive Secretary Ralph Recto sa mga opisyal ng Department of Health at PhilHealth kamakailan tungkol sa zero-balance billing program ng administrasyon at no balance billing ng ahensya.

Ayon kay Recto, dapat isama sa makikinabang sa programa ng PhilHealth ang middle-class na tuluy-tuloy na nagbabayad ng buwis at kontribusyon. Sa kasalukuyan, tanging mga miyembro at dependent ng mga indigent, domestic workers, senior citizens, at PhilHealth members ang sakop ng NBB.

Kaya hinihimok ni Ordanes ang ahensya na gamitin ng epektibo ang pondo ng bayan upang direktang makinabang ang mga pasyente.

“Ang tunay na reporma sa health sector ay nagsisimula sa malasakit at konkretong pagkilos,” ani Ordanes. “Ang isang malusog na mamamayan- bata man o matanda- ang pundasyon ng isang matatag na bansa.”

41

Related posts

Leave a Comment