(NI NOEL ABUEL)
PINAWI ni Senador Sonny Angara ang pangamba ng mga tobacco farmers na mawawala ang kita sa implementasyon ng bagong Cigarette Tax Bill.
Ayon sa senador, patuloy na matatanggap ng mga magsasaka ng sigarilyo ang benepisyo mula sa buwis na makokolekta sa dagdag na buwis sa mga produktong tobacco.
Aniya, sa bagong tobacco excise tax bill na inaprubahan ng Senado at Kamara ay magbibigay ng hanggang 20 porsiyentong incremental revenues mula sa dagdag na buwis na mapupuntang direkta sa 23 tobacco producing provinces upang magamit na ng mga tobacco farmers at manggagawa nito.
“Under the measure, 15 percent of excise tax on locally manufactured Virginia-type cigarettes but not exceeding P17 billion will go to Virginia tobacco producing provinces, while 5 percent but not exceeding P4 billion will be allocated to burley and native tobacco producing provinces,” ani Angara.
Idinagdag pa ng senador na ang tulong sa mga tobacco farmers ay ipararating sa pamamagitan ng trainings, safety nets, infrastructure, livelihood at agri-industrial projects.
Base sa National Tobacco Administration, tinatayang na tatlo ang uri ng tobacco na lumalaki sa 23 tobacco producing provinces sa bansa kabilang ang Virginia tobacco sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra at La Union.
Habang ang Burley tobacco ay tumutubo sa Pangasinan, La Union, Abra, Isabela, Cagayan, Tarlac at Occidental Mindoro samantalang ang mga native o dark tobacco ay tumutubo sa Pangasinan, La Union, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Capiz, Iloilo, Cebu, Negros Oriental, Leyte, Zamboanga del Sur, Bukidnon, Misamis Oriental, North Cotabato at Maguindanao.
Sa ilalim ng nasabing bagong batas, mula sa dating P35 kada pakete ng sigarilyo ay magiging P60 na ito sa loob ng apat na taon.
204