(NI BONG PAULO)
IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa patuloy na pagkalat ng mga investment scheme sa Southern Mindanao na nagbibigay ng malaking porsiyentong tubo sa ilalagak na halaga ng pera.
Ayon sa Pangulo kanyang inatasan ang National Bureau of Investigation (NBI) at maging ang PNP-CIDG na ipasara na ang nasabing operasyon.
Kabilang sa mga ipasasarang operasyon ay ang KAPA Community Ministry International Inc. o Kabus Padatoon (Mahirap ay Pagyamanin) ni Pastor Joel Apolinario na nagbibigay ng 30% na tubo sa ilalagak na pera.
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City, sinabi ni Pangulong Duterte na syndicated estafa ang ginagawa ng KAPA kaya dapat na itong matigil agad.
Ayon kay Pangulong Duterte, kahit Bangko Sentral o Bank of America ay hindi magbibigay ng 30 porsyentong kita sa ilalagak na investment, gaya ng ipinapangako ng KAPA sa kanilang mga miyembro.
Kaya paulit-ulit ang babala ni Pangulong Duterte sa publiko na huwag paloloko sa ganitong pyramiding scam na nangangako na aniya’y “too good to be true.”
“You are into syndicated estafa that is why NBI, sarhan mo na sila at dalhin mo doon sa.. upon my orders, upon my orders, otherwise I said, do not..” ani Pangulong Duterte.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pag-isyu ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa KAPA at ang serye ng mga paalala ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa ngayon, lumalawak na ang nasabing mga investment scheme sa Visayas at Luzon Region.
Una na ring sinabi ng PNP-Regional Office 12 na wala silang masasampahan ng kaso o mahahabol dahil wala naman silang natatanggap na reklamo.
Lahat naman umano ng mga miyembro ng KAPA ay nakatatanggap buwan-buwan ng kanilang ‘pay-out’ depende sa halaga ng investment na kanilang inilagak.
Kabilang din sa mga schemes ay ang Tagum City-based Rigen Marketing, Jogle, Ever Arm at maraming iba pa na nagbibigay naman ng hanggang 500 percent na tubo.
149