Isang bagong sitwasyon sa edukasyon ang nakita kong bumabagabag sa ilang kababayan.
Ito ay ang kalagayan ng mga kabataang may mga espesyal na pangangailangan ngunit nais makapagpatuloy sa kolehiyo pero maraming salik na nagbibigay-hadlang.
Isang single parent na ina na malapit sa akin ang nababagabag dahil sa kagustuhang mapag-aral sa magandang kolehiyo ang dalagita na deaf-mute.
Taga-probinsiya sila ngunit dahil may talino at talent naman ang anak (na nanalo sa mga regional competition sa photography) kaya naipasa niya ang entrance scholarship sa isang kolehiyo sa Maynila na may espesyal na programa para sa mga deaf-mute.
Ngunit dahil kapos sa kakayahang pinansiyal, ‘di pa rin kaya ng ina na ipasok ang anak sa nasabing kolehiyo sa kabila ng scholarship.
Dahil bagamat maaaring libre na ang tuition, ‘di pa rin niya kakayanin ang mga ibang gastusin gaya ng miscellaneous, gastusin sa pang-araw-araw at malamang ay bayad sa dorm. Kaya’t wala ring saysay ang naipasa na scholarship.
Isa pa balakid ang takot ng ina para sa kaligtasan ng dalagitang deaf-mute kung sakaling pakakawalan niya ito sa Maynila. Dangan kasi, dalawang beses nang muntik mapahamak at mapagsamantalahan and dalagita.
Ang karanasang ito ay nagpapatunay sa mga lumalabas sa pag-aaral na nagpapakita kung paanong nagiging vulnerable ang mga deaf-mute sa pang-aabusong sekswal dahil sa kalagayan nilang nagpapahirap sa kanilang humingi ng saklolo.
Sa kabilang banda, may mga paaralan naman na makalapit sana sa kanila pero karamihan naman ay kulang ng kahandaan o kasanayan para tumugon sa pangangailangan ng mga deaf-mute at iba pang may espesyal na kalagayan.
Isa lang ang usaping ito sa mga isyu na kailangan ng mas malawak at sistematikong pagtugon. (Psychtalk /EVANGELINE C. RUGA, PhD)
157