DOJ TIKOM SA TENSYON SA SENADO

NANATILING tikom ang bibig ng Department of Justice (DOJ) sa gitna ng tensyon at kaguluhan na bumabalot sa Senado.

Sa ngayon, ang pinakahuling pahayag lamang ng DOJ ay may kaugnayan sa dalawang paraan umano para harapin ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, maaaring mangyari ito sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko sa international court o tribunal, o sa pamamagitan ng extradition na nakapaloob sa Republic Act 9851.

Patuloy namang kinukulit ng mga mamamahayag ang DOJ hinggil sa insidente ng pamamaril at kaguluhan sa Senado, ngunit wala pa ring direktang tugon si Martinez ukol dito.

Sa halip, sinabi lamang nito na sasagutin nila ang mga nakabinbing tanong sa “tamang panahon.”

Kamakalawa, muling humingi ng saklolo sa Korte Suprema ang kampo ni Dela Rosa sa pamamagitan ng paghahain ng kahilingan para sa temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang tangkang pag-aresto sa senador.

Layunin ng TRO na harangin ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa ICC para sa implementasyon ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa.

Batay sa online post ni Atty. Israelito Torreon, abogado ng senador, naghain sila ng “Very Urgent Manifestation of Supervening Events with Reiterative Prayer” kaugnay ng kanilang hiling na TRO.

Nakalagay sa mosyon ang detalye ng inilabas na press briefer ng Korte Suprema kung saan binigyan ng 72 oras o tatlong araw ang Malakanyang upang magkomento sa petisyon ni Dela Rosa.

Nakasaad din dito na “without prejudice” o walang hadlang sa posibilidad na magpatupad ang hukuman ng interim o agarang hakbang kung kinakailangan.

Ipinabatid din ng kampo ni Dela Rosa sa Korte Suprema ang umano’y “supervening events” sa Senado na nagpapakita umano ng agarang pangangailangan para maglabas ng TRO, status quo ante order, at iba pang injunctive reliefs laban sa ICC warrant of arrest.

(JULIET PACOT)

88

Related posts

Leave a Comment