NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga senador na bumalik sa kanilang trabaho matapos muling mabalam ang sesyon ng Senado dahil sa hindi pagdalo ng majority bloc.
Ayon sa Pangulo, mahalagang maipagpatuloy ang mga sesyon upang maisulong ang mga panukalang batas at iba pang mahahalagang agenda ng pamahalaan.
“Because it’s important — ang dami nating kailangang gawin,” ani Pangulong Marcos sa isang ambush interview.
Sinabi ng Pangulo na ang mga nagaganap na sigalot sa Senado ay nagdulot ng kaguluhan sa institusyon at nakaapekto sa mahahalagang tungkulin nito bilang mambabatas.
“I’m afraid all these events that we have been witnessing have thrown the Senate and its leadership, the whole Senate into disarray. It has discredited the leadership and it has stopped the essential business of legislation and government,” aniya.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na patuloy namang ginagawa ng Ehekutibo at Hudikatura ang kanilang mga tungkulin.
“The legislature is now in disarray,” ani Marcos.
Inilarawan din niya bilang isang “very, very sad situation” ang mga nangyayari sa Senado lalo na sa panahong nangangailangan ng tulong at suporta ang maraming Pilipino.
Sa tanong kung ano ang maaaring gawin ng Malacañang upang maresolba ang problema, sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan nila ang lahat ng legal na opsyon ngunit igiit na ang Senado lamang ang may kapangyarihang ayusin ang sarili nitong mga suliranin.
SP Cayetano Handang
Bumaba sa Pwesto
Samantala, handa umanong bitiwan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang pamumuno sa Senado kung may makapagpapakita sa kanya na mayroon nang hawak na 13 na boto ang sinomang senador.
Sinabi ni Cayetano na sa ngayon ay ipinauubaya niya sa Diyos ang kanyang kapalaran at kung may 13 boto na ang minorya ay aalis siya sa kanyang pwesto.
Itinuturing ng Senate leader na walk of faith at walking dead ang kanyang Senate presidency na mula day one ay tinatarget nang alisin sa kanya.
Hindi rin niya direktang sinagot ang panawagan ng minorya subalit tanong niya sa mga ito kung binigyan siya ng kahit isang oras para sila ay makapag-usap.
Muling binigyang-diin ni Cayetano na hangad nila sa majority bloc ang independence ng Seando kasabay ng paggiit na may nanggigipit sa kanilang mga miyembro upang lumipat ng bakod.
Milyong Pondo Nasasayang
Nagpaalala naman si Senador Sherwin Gatchalian kaugnay sa pananagutan sa sambayanang Pilipino.
Panawagan niya sa mga kasamahan na sundin ang kanilang panuntunan, dumalo sa sesyon at gawin ang kanilang trabaho.
Sinabi ni Gatchalian na ilang araw nang nabinbin ang trabaho ng Senado at hindi ito dapat magpatuloy.
Binigyang-diin ng senador na araw-araw ay milyon-milyong piso mula sa buwis ng taumbayan ang ginagamit upang pondohan ang Senado.
Karapatan anya ng publiko na makita na ginagawa ng Senado ang kanilang tungkulin at tinutugunan ang mga usaping mahalaga sa kanilang buhay.
Iginiit ni Gatchalian na hindi na ito usapin ng mayorya o minorya kundi ng obligasyon sa publiko.
(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)
127 