Syanong Detektib ni Lucio S. Papa
HABANG abala ang gobyerno sa usapin ng katiwalian sa gobyerno, may isang bangko ang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Dangan naman kasi, daig pa ng naturang bangko ang mga online lending apps sa ipinapataw na tubo sa credit card na sa kanila nanggaling mismo.
Kwento ng isang ginang na dumulog sa aming tanggapan, buwanan naman siyang nagbabayad ng hindi bababa sa P12,000 para sa P200,000 accumulated purchases niya gamit ang BDO credit card sa nakalipas na dalawang taon.
Laking gulat ng ginang na hindi nababawasan ang kanyang bayarin. Ang masaklap pumalo na sa halos P400,000 ang sinisingil ngayon ng bangko. Ipinrisinta rin ng ginang ang buwanang fund transfer ng kanyang pinagbayaran.
Nakipag-ugnayan na rin ang ginang sa BDO gamit ang telepono sa mismong bangko kung saan nakalagak ang kanyang deposito. Ang resulta — nganga!
Hindi na rin umano niya mabilang kung ilang ulit siyang nagpadala ng liham sa email address ng naturang bangko gayundin sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na may regulatory powers sa private banking institutions.
Partikular na hiniling ng ginang ang “balance card conversion” na katumbas ng loan restructuring. Ang resulta — nganga pa rin.
Sa ilalim ng Republic Act 10870 (Philippine Credit Card Industry Regulation Law), mahigpit na ipinagbabawal ang “excessive, undisclosed, or predatory charges.” Pero ang BDO dedma lang na tila may sinasandalan sa pamahalaan.
Nakalulungkot isipin na walang tugon ang BDO gayundin ang BSP.
Habang tumatagal, lalong ibinabaon ng BDO sa utang ang pobreng ginang na una nang nagpahayag ng kahandaan magbayad ng utang — pero hindi higit sa dapat lang niya punuan.
Bukas ang ating pitak sa panig ng BDO at maging sa BSP kung saan ang mga nakaupo ay bongga ang sweldo!
Sa mga nais dumulog, magreklamo o magbigay impormasyon sa mga paksang may kinalaman sa katiwalian, pang-aabuso at iba pa, mangyaring makipag-ugnayan sa email address: lucioselegnapapa@gmail.com
114 