KAPA FOUNDER PASTOR JOEL APOLINARIO NAGTATAGO NA

HAGUPIT NI BATUIGAS

SA loob ng humigit kumulang 30 taon sa industriya ng media ay nakakataba ng puso na muli tayong pinagkakatiwalaan at pinayagang makasama ng aking dati at ngayon ay muling boss sa kanyang batikang pahayagang “SAKSI” na walang iba kundi si Boss Rey Briones upang maging isa sa kanyang mga magagaling na kolumnista kasama ang mga masisipag na Staff, Editor, News Editor at iba pa.

Bilang paunang balita ko ay tungkol sa KAPA…

Makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation at Criminal Investiga-tion and Detection Group (CIDG-PNP) na i-raid ang lahat ng mga tanggapan ng KAPA Ministry International Inc., naglaho ang founder na si Pastor Joel Apolinario matapos pasukin ng mga awtoridad ang tanggapan nito sa Tagum City sa Mindanao at iba pang mga sangay nito.

Pinabulaanan din ng Malacañang ang ipinamamalita ni Apolinario na nagkausap na sila ng pangulo at pinayagan na itong muling magbukas ang tanggapan ng KAPA.

Kamakailan ay nagtungo ang pangulo sa General Santos City para mamigay ng certificate ng lupa sa mga mahihirap kung saan nagsagawa rin ng prayer rally ang mga miyembro ng KAPA sa nasabing lungsod at balitang dadalo raw ang pangulo sa prayer rally, subalit hindi nangyari. Bagkus sa talumpati ng pangulo sa harap ng mga taong bibigyan ng lupa, binalaan ang mga tao na mag-ingat sa pagsali sa investment scams, maliwanag aniya na fraud, ilegal at kung totoo aniya ay sasali siya bilang miyembro.

Kinansela na rin ni Securities and Exchange Commission Chairman Emilio Aquino ang permit ng KAPA umano sa paglabag sa batas kung saan ang permit nito ay nonprofit at hindi maaaring mangolekta ng pera.

Ayon kay Aquino, malinaw aniya na pyramiding ang ginagawa ni Apolinario dahil nag-aalok ito ng malaking tubo sa pera ng miyembro kung saan 30% ang tubo sa pera na ilalagak ng isang miyembro at sinabi ni Aquino na umaabot sa P50 bilyon ang nakolekta ni Apolinario sa mga miyembro.

Ipinag-utos na rin ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang lahat ng pera ng KAPA kaya posible umanong ma-harap sa maraming reklamo si Apolinario at nakatakdang sasampahan ng kasong large scale estafa.

Sir, marami sa mga miyembro ang nag-alala na baka hindi na nila makuha ang kanilang na-invest na pera.

Kay Apolinario bukas ang kolum na ito para sa iyong panig at huwag kang magtatago. Abangan ang karugtong. (Hagupit ni Batuigas / MARIO B.  BATUIGAS)

152

Related posts

Leave a Comment