CLICKBAIT ni JO BARLIZO
ISA sa mga pinakanakatawag-pansin na komento tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi nanggaling sa isang abogado o senador, kundi sa isang netizen.
“Chiz Escudero, the current Presiding Officer of the Vice President’s impeachment trial, must be a well-patched version of the Chiz Escudero who served as Senate President of the 19th Congress. Kung sino man ang nag-software update kay Chiz, mabuhay ka!”
Marami ang natawa sa biro, pero may punto rin itong gustong ipahiwatig. Sa mga unang linggo ng impeachment trial, kapansin-pansin ang naging paraan ng pamumuno ni Senator Chiz Escudero bilang Presiding Officer.
Mabilis ang mga ruling, maayos ang takbo ng proceedings, at parehong nabibigyan ng pagkakataon ang prosecution at defense na maihayag ang kanilang panig.
Simple lang ang naging tugon ni Escudero sa naturang komento.
“No upgrade, just the same principle and stance regarding adherence to what the law says.”
Sa madaling salita, wala raw nagbago sa kanya. Pareho pa rin ang kanyang paninindigan at ito’y ang sundin ang batas at ang tamang proseso.
Makikita ito sa naging desisyon niyang payagan ang pag-subpoena sa ilang dokumentong may kaugnayan sa impeachment case. Tinutulan ito ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo, ngunit nilinaw ni Escudero na ang pagpayag na maiprisinta ang mga dokumento ay hindi nangangahulugang tinanggap na agad ang mga ito bilang ebidensya. May buong pagkakataon pa rin ang depensa na kuwestyunin ang admissibility, relevance, at bigat ng bawat dokumento.
Hindi naman bago ang ganitong pagtingin sa kanyang kakayahan. Bago pa man magsimula ang trial, sinabi na ni Senator Panfilo Lacson na mahalagang abogado ang maging Presiding Officer dahil kailangang mabilis na makapagpasya sa procedural at constitutional issues na lumilitaw habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Sa actual proceedings, tila nakita ito ng maraming tagamasid. Nagbigay ng “high grades” si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna. Positibo rin ang naging obserbasyon nina constitutional law professor Tony La Viña, writer Katrina Stuart Santiago, lead House prosecutor Gerville Luistro, at defense spokesperson Atty. Michael Poa sa naging pamamalakad ni Escudero.
Maging si dating Senate President Franklin Drilon ay nagsabing naging decisive ang kanyang pamumuno at naniniwalang posible pang matapos ang impeachment trial bago matapos ang taon.
Natural na hindi lahat ay sasang-ayon sa bawat ruling ng Presiding Officer. Ngunit kung ang pagbabatayan ay ang kabuuang takbo ng paglilitis, tila mas maraming nakikitang dahilan upang purihin ang pamumuno ni Chiz Escudero.
124 