SWAK sa kulungan ang isang 57-anyos na lalaki matapos arestuhin sa isinagawang search warrant operation at nasamsam ang baril at mga bala sa Barangay Tabon III, Kawit, Cavite noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang suspek na si alyas “Eman”, residente ng nasabing bayan.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Kawit Municipal Police Station, katuwang ang Cavite Special Weapons and Tactics (SWAT) Unit, Provincial Intelligence Team-Cavite, at Regional Intelligence Unit 4A bandang alas-6:30 ng umaga sa Barangay Tabon, Kawit, Cavite.
Ayon sa ulat, sa bisa ng ipinatupad na search warrant, nasamsam ng mga operatiba ang isang Taurus Model 1911 caliber .45 ACP pistol, pitong magazine para sa cal. .45, 49 live ammunitions, isang itim na holster, at isang olive green na sling bag.
Ayon sa pulisya, isusumite ang nasamsam na baril sa Regional Civil Security Unit IV-A upang beripikahin kung ito ay rehistrado at kung ang may-ari ay may kaukulang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at iba pang kinakailangang dokumento.
Sumailalim na sa wastong imbentaryo, pagmamarka at dokumentasyon ang lahat ng ebidensiya alinsunod sa umiiral na batas at mga alituntunin ng Philippine National Police (PNP).
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng kasong kriminal at administratibo na maaaring isampa laban sa suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
112 