PINASINUNGALINGAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China Coast Guard (CCG) na pinayagan umano silang magsagawa ng medical evacuation para sa dalawang sugatang miyembro ng Philippine Navy matapos ang insidente sa Ayungin Shoal.
Ayon sa AFP, fake news ang inilabas na naratibo ng CCG dahil hindi kinakailangan ng Pilipinas na humingi ng pahintulot sa anumang banyagang bansa upang magsagawa ng operasyon sa loob ng sariling Exclusive Economic Zone (EEZ).
Iginiit ng AFP na ang naturang pahayag ng CCG ay isang maling naratibo na naglalayong magpakita ng iligal na awtoridad sa lugar.
Nanawagan din ang AFP sa People’s Liberation Army (PLA) Navy, China Coast Guard at maritime militia ng China na itigil ang mga ilegal na aktibidad at igalang ang international law.
Pinasalamatan din ng AFP ang Philippine Coast Guard (PCG) sa matagumpay na pagsasagawa ng medical evacuation sa dalawang sugatang personnel ng Philippine Navy.
Samantala, binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang sugatang sundalo sa Camp Ricarte Station Hospital sa Puerto Princesa City.
Bilang pagkilala sa kanilang katapangan at tapat na paglilingkod, iginawad ng Pangulo sa dalawang sundalo ang Order of Lapu-Lapu at tig-₱100,000 na tulong pinansyal.
Ipinahayag din ng Pangulo ang buong suporta ng pamahalaan sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na patuloy na nagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa.
Nauna nang mariing kinondena ng Department of National Defense (DND) ang pinakahuling insidente ng pananakit at paninindak ng China Coast Guard laban sa mga tauhan ng Philippine Navy na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Inilarawan ng DND ang insidente bilang bahagi ng nagpapatuloy na “provocative and hostile” na kilos ng China Coast Guard.
Batay sa ulat ng AFP, lulan ng rigid-hull inflatable boat (RHIB) ang walong tauhan ng CCG na lumapit sa BRP Sierra Madre at kumuha ng mga larawan at video.
Nang lapitan sila ng mga tauhan ng Philippine Navy sakay ng rubber boats upang paalisin, naging agresibo umano ang mga tauhan ng CCG at pinalo ang isang miyembro ng Philippine Navy, dahilan upang magtamo ito ng sugat sa ulo. Nasira rin ang isa sa mga rubber boat ng Navy sa insidente.
Agad namang nabigyan ng lunas ng Western Command (WESCOM) ang mga nasugatang personnel.
Ayon sa AFP, sinunod ng kanilang mga tauhan ang umiiral na Rules of Engagement sa pagresponde sa insidente.
Para naman sa DND, ang panibagong karahasan at pangha-harass ng China Coast Guard ay lalo lamang nagpapakita ng “deficit of trust and credibility” ng People’s Republic of China.
(JESSE RUIZ/CHRISTIAN DALE)
120 