SPEAKER DY, DINALA SA ISABELA UNANG LEGISHEAR CONSULTATION NG KONGRESO

ECHAGUE, Isabela — Opisyal nang inilunsad ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang unang yugto ng LegisHear, isang programa ng House of Representatives na naglalayong ilapit ang Kongreso sa mamamayan sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Isinagawa nitong Biyernes ang inagurasyon ng programa sa Isabela State University, kung saan dumalo ang mga kinatawan mula sa sektor ng agrikultura, pangingisda, edukasyon, kabataan at lokal na pamahalaan, kasama ang humigit-kumulang 19 na ahensya ng pambansang pamahalaan.

Ayon kay Dy, ang LegisHear ay pagpapatuloy ng layunin ng “Bagong Kongreso” na kanyang inilahad sa pagbubukas ng Second Regular Session ng 20th Congress na maging mas masigasig at may pananagutan sa paglilingkod sa mamamayan.

“Ang layunin nito ay makinig sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na tungkol sa pinakamahahalagang programa at mga magiging batas, upang sagutin ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Dy.

Ipinaliwanag ng Speaker na naipatupad na rin ang kahalintulad na konsultasyon noong isinusulong ang Anti-Political Dynasty Act sa Cavite, Cebu at Cagayan de Oro.

“Nakita po namin na napakapositibo ng pagtanggap ng ating mga mamamayan sa pag-uusap tungkol sa ganitong klaseng batas na makaaapekto sa ating bansang Pilipinas,” dagdag niya.

Prayoridad ang agrikultura

Dahil kabilang ang Isabela sa mga pangunahing prodyuser ng bigas at mais sa bansa, nakatuon ang malaking bahagi ng konsultasyon sa mga usaping pang-agrikultura, kabilang ang Kalinga Bill at ang patuloy na pagsusuri sa Rice Tariffication Law.

Kinilala ni Dy, na dating gobernador ng Isabela, ang mga hinaing ng mga magsasaka kaugnay ng presyo ng kanilang produkto, kita at suporta ng pamahalaan.

“Ang atin pong pinapangarap ay magandang presyo, maganda ang kita, at magandang suporta ng ating pamahalaan para lalo pang umunlad ang agrikultura, hindi lamang ng ating lalawigan ng Isabela, kundi ng buong bansang Pilipinas,” aniya.

Tinalakay rin sa konsultasyon ang mga panukalang Anti-Fake News at Anti-Disinformation bills na ayon kay Dy ay makatutulong upang maprotektahan ang kabataan laban sa maling impormasyong kumakalat online.

“It is becoming difficult to distinguish what is true from what is not. That is why we want to protect our youth and our people from misleading information,” paliwanag niya.

One-stop shop ng serbisyo

Kasabay ng legislative consultation, nagsagawa rin ng one-stop shop ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Agriculture, Department of Health, Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development, Bureau of Internal Revenue, Commission on Elections, Land Transportation Office, Philippine National Police, Philippine Statistics Authority at Social Security System.

Samantala, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na sumasalamin ang LegisHear sa layunin ng House na gawing mas proactive ang paglilingkod sa publiko.

“LegisHear reflects Speaker Bojie Dy’s vision of a Bagong Kongreso, one that does not wait for the people to come to Congress, but brings Congress closer to the people,” ani Garafil.

Umaasa naman si Dy na maisasalin sa mga konkretong rekomendasyon sa Kongreso ang mga mungkahing nakalap sa konsultasyon. Ayon kay Garafil, isasagawa ang susunod na LegisHear sa Butuan para sa Mindanao at sa Dumaguete para sa Visayas.

(TINA MENDOZA)

105

Related posts

Leave a Comment