TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang negosyante na umano’y masterminds sa pagpaslang sa pro-Marcos vlogger na si Mima Alicia sa Caloocan City.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., lumitaw sa imbestigasyon na magkasosyo sa negosyo ang dalawang suspek.
Sinabi ni Nartatez na personal na hidwaan kaugnay ng utang ang nakikitang motibo ng pulisya at wala pang nasisilip na direktang kaugnayan ang krimen sa mga pahayag o aktibidad ng biktima bilang vlogger.
Ayon sa PNP, nag-ugat umano ang alitan sa utang na umaabot sa P8 milyon.
Gayunman, sinabi ni Nartatez na hindi pa rin isinasara ng pulisya ang iba pang posibleng motibo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nauna nang naaresto ng Northern Police District ang dalawang hinihinalang gunman at driver sa pagpatay sa vlogger.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang dalawang itinuturong utak sa krimen.
(TOTO NABAJA)
97 