4 MALAYSIAN NATIONALS ARESTADO SA PAGPATAY SA KABARO

SILANG, Cavite — Apat na Malaysian national ang inaresto kaugnay ng brutal na pagpatay sa kanilang kabaro na natagpuang tadtad ng saksak sa Silang, Cavite noong Huwebes.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Silang Municipal Police Station ang apat na suspek at nahaharap sa kasong murder na isasampa sa Provincial Prosecutor’s Office.

Ayon kay Silang Mayor Ted Carranza, mabilis na nagsagawa ng follow-up operation at CCTV backtracking ang mga operatiba ng Silang Municipal Police Station. Nang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, nakipag-ugnayan ang pulisya sa Pasay City Police Station matapos mapag-alamang doon bumaba ang mga ito.

Sa imbestigasyon, lumabas na iniwan umano ng mga suspek ang sinasakyan nilang Toyota Fortuner matapos itong mahulog sa kanal kasunod ng krimen.

Mula roon ay sumakay umano sila ng tricycle at nag-book ng Grab patungong Pasay City upang makatakas.

Malaking tulong sa pagtunton sa mga suspek ang pagkakakilanlan sa kanila ng tricycle driver na nagsakay sa mga ito, gayundin ang mga kuha ng CCTV na nagpakita ng kanilang ruta mula Silang hanggang Pasay.

Ayon sa pulisya, inamin umano ng apat na Malaysian national ang kanilang pagkakasangkot sa pagpatay sa biktima.

Sinabi rin ni Carranza na batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nasa impluwensya ng ilegal na droga ang mga suspek nang maganap ang pananaksak.

Tiniyak ng alkalde na patuloy na makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan at kapulisan upang mapanagot ang mga responsable at maibigay ang hustisya sa biktima.

Matatandaang dakong alas-11:40 ng Huwebes ng madaling araw nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa tabi ng isang itim na Toyota Fortuner na may plakang GAM 9593 sa Barangay Iba, Silang, Cavite.

(SIGFRED ADSUARA)

104

Related posts

Leave a Comment