GRUPO SA SC: BANGSAMORO HUWAG GAWING ‘EXPERIMENT’

NANAWAGAN ang AMANA-BARMM sa Supreme Court (SC) na agarang resolbahin ang mga kasong kumukuwestiyon sa legalidad ng ilang batas kaugnay ng parliamentary elections sa Bangsamoro, kasabay ng panawagang huwag nang gawing “experiment” ang rehiyon.

Naghain ang grupo ng Very Urgent Motion to Resolve upang hilingin sa Korte Suprema na maglabas ng desisyon sa mga nakabinbing petisyon.

“Alam natin, palaging sinasabi na ang BARMM sa una ay hindi na-success, baka mangyari na naman iyon. Paulit-ulit na kaming ginagawang experiment sa Bangsamoro. Parang laging experiment ang Bangsamoro,” ani AMANA-BARMM petitioner at convenor Maulana L. Mamutuk.

Hiniling din ng grupo sa SC na pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng mga kinukuwestiyong probisyon sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order (TRO) o Status Quo Ante Order habang wala pang pinal na desisyon ang hukuman.

Ayon sa AMANA-BARMM, hindi rin umano nagsumite ang Bangsamoro Transition Authority ng mga dokumentong hinihingi ng Korte Suprema sa kabila ng nauna nang pagbibigay dito ng karagdagang panahon.

“The Bangsamoro cannot be told to vote first and question the rules later. That is not electoral credibility,” ani Mamutuk.

Babala pa niya, kung hindi makapaglalabas ng desisyon ang SC bago ang halalan, maaaring kuwestiyunin ang magiging resulta ng parliamentary elections sa Bangsamoro.

(JULIET PACOT)

100

Related posts

Leave a Comment