(NI DAHLIA S. ANIN)
NAG-ABISO na ang Maynilad at Manila Water sa kanilang mga kostumer na nagsisimula na sa Miyerkoles ang pagpapatupad ng water interruption dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Maaring mawalan ng tubig mula 8-16 na oras sa 70% ng kustomer ng Maynilad sa Kanlurang bahagi ng Metro Manila, ayon kay Assistant Vice President Jennifer Rufo. Maglalabas sila ng skedyul sa mga susunod na araw.
Binawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng mga water distributors ng 40 cubic meters per second mula sa 46 cms mula Hunyo 19-21 ayon kay Rufo.
Ang mga kostumer naman sa Silangang bahagi ng Manila Water ay maaring makaranas din ng 8-15 oras na service interruption ayon naman kay Jeric Sevilla, Corporate Communication head.
Naglabas na ng skedyul sa kanilang Facebook page ang Ayala led utility.
Sa Barangay West Triangle Quezon City, nagreklamo na ang mga residente na wala nang tubig ng Martes ng hapon, kaya naman ang mga opisyal ay nagpadala na ng rasyon ng tubig sa lugar.
Bumaba na sa 162 meter ang level ng Angat dam na siyang pangunahing tagasuplay ng tubig sa Metro Manila. Mas mababa ito sa normal na level ng tubig sa dam na 180 meters at nasa kritikal naman ito kung bababa pa ito sa 150 meters.
Nangangailangan din ng dalawang bagyo ng dam upang maibalik ito sa normal na level. Hindi umano naging sapat ang ilang araw na pag ulan sa lugar, ayon kay NWRB executive Director Sevillo David.
210