(UNANG BAHAGI)
Mahabang panahon ang nagugugol ng bawat isa sa atin sa paaralan. Marami ring pera ang nauubos ng bawat pamilya para sa edukasyon. Alam natin na mataas ang pagpapahalaga ng mga Filipino sa larangang ito ng ating buhay.
Kung sa mga nakalipas na dekada, anim o pitong taon ang umpisa ng buhay-mag-aaral, sa ngayon, unang hakbang pa lang yata ng isang bata, minsan ay gusto na siyang ipasok ng mga magulang sa paaralan, lalo na kung may-kaya naman ang pamilya.
Dahil isa sa pangunahing iniikutan ng buhay ng bawat isang bata o kabataan ang eskwela, inaasahan natin na ang mga paaralan ay magiging kaaya-ayang lugar para sa ganap na paghubog ng pagkatao ng mga mag-aaral. Mainam na ang mga classroom at playground sa mga paaralan ay duyan ng masasaya at nagbibigay-kaginhawaang karanasan.
Ngunit hindi lahat ng panahon ay maayos ang nagiging karanasan ng mga kabataan natin sa mga paaralan. Batay na rin sa sariling karanasan, obserbasyon, at mga datos galing sa mga pananaliksik, maraming isyu o usapin na posibleng kaharapin ng mga mag-aaral, sa publiko o pribado mang mga institusyon.
Maaring ikategorya ang mga usapin na pwedeng humamon sa katatagan ng bawat mag-aaral: istruktural (mga usaping nag-uugat sa problemadong sistema ng lipunan at edukasyon; kagutuman at kahirapan ng mga mag-aaral lalo na sa mga liblib na pampublikong paaralan, kakulangan ng guro, pondo, maayos na pasilidad, at iba pa); sosyo-kultural (gaya ng usapin sa edukasyong naka-angkla sa makadayuhang perspektibo na tinatawag na neokolonyal ng ilang social analysts; o ‘yung isyu sa kung anong pangunahing wika ang dapat ginagamit sa pagtuturo); mga mas mikro na usapin (mga isyu sa loob ng pamilya, sa relasyon sa kapwa mag-aaral, guro, magulang); o ‘yung mas personal o panloob na usapin (tungkol sa pagkatao o personalidad, o mga sikolohikal, emosyonal, mental na mga usapin).
Ang mga isyu o usapin na ito ay maaaring sumulpot at makaapekto sa buhay ng isang mag-aaral dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Minsan hiwalay ang manipestasyon, pero makikita na dulot ito ng interaksiyon ng mga salik na pumapaikot sa buhay ng mag-aaral.
Kung bumababa ang scores ng mga mag-aaral sa national achievement tests, kung mahina ang employment rates ng graduates, kung maraming nagtatapos sa kolehiyo na kulang ang kaalaman at kasanayan, kung marami ang drop outs o out of school youths, maiging maunawaan na hindi lang ito problema ng ilang mga paaralan, sektor, o sangay ng pamahalaan, kundi epekto ng mga magkakakawing-kawing na mga isyu o suliraning matagal nang bumabalot sa buong sistema ng edukasyon sa bansa (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
167