(NI KEVIN COLLANTES)
MAY kaloob na libreng sakay para sa mga Pilipinong marino ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ngayong Martes, Hunyo 25.
Nabatid na ito ay bilang pakikiisa ng Department of Transportation (DOTr), na siyang namamahala sa MRT-3, at ng Light Rail Transit Authority (LRTA), na siya namang nangangasiwa sa LRT-2, sa pagdiriwang ng ‘Day of the Filipino Seafarer 2019’.
“Magandang balita! May libreng sakay ngayon, ika-25 ng Hunyo 2019, sa MRT-3 at LRT-2 para sa mga Pilipinong marino!” anunsiyo ng DOTr.
“Bilang pakikiisa ito ng DOTr MRT-3 at LRTA sa taunang pagdiriwang ng Day of the Filipino Seafarer,” dagdag pa nito.
Nabatid na ang libreng sakay sa mga Filipino seafarers ng MRT-3 ay nai-avail ng mga ito mula 5:30 ng madaling araw hanggang 10:30 ng gabi, habang ang free ride naman sa LRT-2 ay mula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at mula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Kinailangan lamang ng mga Pilipinong marino na magprisinta ng kanilang Seafarer’s Identification at Record Book (SIRB) o MARINA ID sa mga ticket seller o Security Personnel sa istasyon kung saan sila sasakya upang maka-avail ng free rides.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe mula North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), at pabalik, habang ang LRT-2 naman ang siyang nag-uugnay sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Santolan sa Pasig City.
258