(NI BERNARD TAGUINOD)
MAYROON nang counter measure sa Kamara ang panukala ni Senator-elect Ronald Bato’ dela Rosa na buhayin ang Death Penalty Law matapos mabigo ang Kongreso na maipasa ito ngayong 17th Congress.
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep-elect Nina Taduran, isa sa una nilang ihahaing panukala ay ang pagbuhay sa death penalty law para aniya sa mga karumal-dumal na krimen.
“As anti-crime advocates, isa iyan (death penalty bill) ang una naming ipa-file pagbukas ng 18th Congress,” pahayag ni Taduran.
Gayunpaman, hindi lahat sa mga krimen gagamitin umano ang panukalang ito kundi sa mga karumal-dumal na krimen tulad ng rape with murder, terroristic attack at maging sa mga malalaking drug lord.
Kailangan aniyang magkaroon ng matalas na ngipin ang batas laban sa mga taong gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen dahil kung hindi ay wala umanong katatakutan ang mga gumagawa ng nasabing krimen.
“Ni-rape mo na nga, pinatay mo pa. Yung terroristic attack ang mga biktima niyan mga inosenteng mamamayan kaya gusto naming magkaroon ng death penalty para dyan,” ani Taduran.
Noong 17th Congress, ang death penalty bill ang unang panukalang inihain sa Kamara para sa mga karumal-dumal na krimen kung saan naipasa ito ng mga kongresista sa ikatlo at huling pagbasa.
Gayunpaman, hindi ito naging batas matapos mabigo ang Senado na maipasa ang kanilang counter bill kaya kailangang maihain muli ang panukalang ito sa 18th Congress ng mga pro-death penalty advocates solons.
133