(NI ROSE PULGAR)
SA pangatlong pagkakataon, muli na naman nagpatupad ng big time oil price hike sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga (Hulyo 2).
Pinangunahan ng kumpanyang Pilipinas Shell, PTT Philippines, Seaoil, Petron Corporation at Petro Gazz ang pagpapatupad ng dagdag-presyo na P1.20 kada litro ng gasolina, P1.00 kada litro sa kerosene habang P0.95 naman kada litro sa diesel na epektibo bukas ng alas-6:00 ng umaga.
Inaasahan naman na susunod na magpapatupad ng oil price hike sa mga produktong petrolyo ang ilan pang kumpanya ng langis sa bansa kabilang na ang mga malalaking kumpanya sa kahalintulad na presyo.
Ang ipinatupad na dagdag-presyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.
Habang magandang balita naman sa mga ina ng tahanan matapos magpatupad ng big time rollback sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) at auto LPG.
Sa anunsyo ng Petron Corporation at Phoenix LPG Philippines nasa P3.40 ang bawas kada kilo ng kanilang Gasul at Fiesta Gas katumbas ng P37.40 na tapyas sa bawat 11 kilogram na tangke ng LPG na epektibo kaninang umaga (Hulyo1).
Bukod pa rito, may bawas na P1.90 kada litro sa auto lpg na karamihan sa ginagamit ng mga namamasadang taxi.
Ang patuloy na pagsirit ng nasabing produktong petrolyo ay bunsod nang sunud-sunod na kaguluhan sa ibang bansa.
204