(NI BERNARD TAGUINOD)
BUKOD sa mga public school teachers, umaasa rin ng dagdag na sahod ang mga ordinaryong government employees sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kaya nag-aabang umano ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno kung iaanunsyo ni Duterte na kasama ang mga ito sa tataasan ng sahod.
Ayon kay Gaite, ang isang empleyado ng gobyerno na may pinakamababang posisyon ay Salary Grade 1 lamang ang katumbas ng kanilang sahod o P10,640 kada buwan.
Hindi sinabi ng kongresista kung ilang daang-libo ang mga empleyado ng gobyerno ang sumasahod ng ganitong kababa subalit karamihan sa mga ito ay mga janitor, clerk, gardeners, liaison officers at iba pa.
“Kaya itinutulak namin na gawing P16,000 ang entry level na sahod ang may mabababang posisyon sa gobyerno,” ani Gaite dahil hindi umano kasya ang P10,640 para mabuhay ang mga ito ng maayos.
Kabilang ito sa mga ipinanukala ng Makabayan bloc na isinama sa iminungkahi ng mga ito na P30,000 na entry level ng Teacher 1 sa mga public school sa bansa na ngayon ay sumasahod lamang ng mahigit P20,000.
Umaasa si Gaite na mababanggit ni Duterte ang usaping ito sa kanyang SONA sa Lunes, Hulyo 22, dahil inaaabangan aniya ito ng mga karaniwang manggagawa sa gobyerno.
“Mr. Presidente umaasa ang mga government employees, kasama na ang mga guro, na bibigyan n’yo na sila ng pansin sa hinihingi nilang dagdag na sahod,” ayon naman kay ACT Teacher party-list Rep. France Castro.
Tulad aniya ng lahat, kailangan ng mga empleyadong ito ang mabuhay nang maayos kaya hindi dapat pagkaitan ang mga ito ng dagdag na sahod lalo na’t hindi pa rin bumababa ang presyo ng mga bilihin sa bansa.
669