PALASYO UMAMIN; PAGDAGSA NG CHINESE NAKAAALARMA

duterte china44

(NI BETH JULIAN)

AMINADO ang Palasyo na nababahala na ang pamahalaan sa pagdagsa ng mga Tsino sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, masyado nang marami ang mga Tsino na nakapapasok sa bansa kaya kailangan nang pagtuunan ng pansin.

Nauna nang sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. na isang  “security threat” ang pagdagsa ng mga Chinese workers sa Pilipinas.

“We are worried kasi nga masyadong marami, may influx na magtataka ka kung paano sila nakapapasok? So hindi lang worry sa number, may worry pa kung paano sila nakapapasok,” pahayag ni Panelo.

Una nang sinabi ni Esperon na bagama’t sinusunod ng mga Chinese nationals ang immigration at labor laws ay nakababahala pa rin ang biglaang pagdagsa ng mga Tsino sa bansa.

“We want more tourists but there is still another side of the coin, so to say. So we must not let our guards down,” sabi ni Esperon.

Bunsod nito, inatasan ng Malacanang ang Bureau of Immigration na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa illegal aliens.

“Kung ‘yung kanilang pag-stay dito more on they want to work here but they are still violating immigration laws, eh madaling gawan ng paraan ‘yun. We will just expel them legally,” ayon kay Panelo.

Gayunman, hindi naman tinukoy ni Panelo kung dapat nang limitahan ang bilang ng mga papasok na Tsino sa bansa.

“Ang policy natin doon, kung kailangan natin ng Chinese workers na hindi kaya ng Pilipino, we will allow that. ‘Yun ang ating policy,” dagdag pa ni Panelo.

Matatandaan na base sa report, tumaas ang bilang ng mga Chinese nationals sa Pilipinas, kung saan mayorya sa mga ito ay nagta-trabaho sa Philippine offshore gaming operators (Pogo).

Subalit, sa kabila ng gumagandang ekonomiya ng bansa  ay hindi pa rin maiaalis ang pangamba na may mga Chinese workers  ang umiiwas sa pagbabayad ng buwis at gumagawa ng krimen sa bansa.

214

Related posts

Leave a Comment