HIGIT 100-K STUDENTS NAKINABANG SA LIBRENG SAKAY

DOTR

(NI KEVIN COLLANTES)

INIULAT ng Department of Transportation (DOTr) na mahigit na sa 128,000 na mga estudyante sa Metro Manila ang nakinabang sa libreng train rides na ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Philippine National Railways (PNR) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ayon sa DOTr, simula nang ipatupad nila ang Student Free Ride Program, ay nasa 128,206 students na ang nabigyan ng libreng sakay ng mga naturang mass rail transits.

Nabatid na sa naturang bilang, pinakamaraming sumakay sa LRT-2, na umabot sa 84,136.

Sumunod naman ang MRT-3, na nakapagsakay ng 24,547 estudyante at pangatlo ang PNR na may 19,523 student passengers naman.

Kaugnay nito, nabatid na umaabot na sa 12,446 ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng nag-apply para magkaroon ng ID na magagamit nila para sa Student Free Train Ride.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, bukod sa pagnanais na makatulong na makabawas sa gastusin ng mga estudyante, layunin rin ng DOTr sa libreng train ride, na makapaghulma ng kultura ng “punctuality” sa mga ito.

Aniya, anumang matitipid sa pamasahe ng mga estudyante ay maaring ilaan ng mga ito sa iba pang bagay na makatutulong sa kanilang pag-aaral o gastusin sa pamilya.

Tiniyak din na bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na matulungan ang mga estudyante, ang Student Free Ride Program ay patuloy na itataguyod ng DOTr kasama ang attached agencies, sa tapat na hangaring makapagbigay ng mas maginhawang buhay sa mga Pilipino.

184

Related posts

Leave a Comment