Isang sumbong ang nakarating sa akin noong nakaraang Linggo kung saan isang domestic helper sa Kuwait ang umano ay dinodroga muna ng kanyang employer bago halinhinan na halayin ng kanyang employer kasama ang iba pa nitong kaibigan.
Para sa kanyang proteksyon ay itago na lamang natin ang ating kabayani sa pangalan na “BPJ” at ayon sa sumbong na kanyang ipinadala ay na-deploy o nakarating s’ya sa bansang Kuwait sa pamamagitan ng PJV Human Resources Service Company habang ang kanyang Kuwait agency naman ay ang Ali Hamad Alenezi for Recruitment of Domestic Helper.
Ayon sa salaysay ni BPJ ay “4 na buwan pa lang siya sa employer sa Kuwait. Pinagsamantalahan ng 5 katao na member ng pamilya ng employer. Pinagagamit muna siya ng drugs para hindi makapalag at wala sa sarili at tinatakot na kukuryentihin kung hindi susunod sa gusto ng mga ito.”
Umano ay ini-inject sa kanyang balakang ang droga na nagiging dahilan ng kanyang panghihina at pagkawala ng malay bago siya pagsamantalahan at halayin. Hindi rin siya makapagsumbong at makalabas ng bahay dahil bantay-sarado siya kahit sa pagtatapon lamang ng basura.
Bagaman mistulang nagkaroon ng news blackout ang Philippine Embassy ukol sa isyung ito, sa huling ulat na nakarating sa akin ay umano’y dinala na si BPJ sa pulisya para sa masusing imbestigasyon. Umano ay may ilang pabagu-bago na impormasyon ang naibibigay ni BPJ sa pulisya at embahada kung kaya ayaw pa umanong magbigay ng opisyal na pahayag ang embahada.
Maraming FILCOM leaders ang nagpadala ng kanilang pangamba na baka ang kasong ito ay mapabilang na lamang sa ilan din sa listahan ng mga naareglo at hindi nabigyan ng hustisya ang kahabag-habag na OFW, kung kaya, ang kasong ito ay ating tinututukan at ipinarating na rin sa opisina ni Senator Bong Go.
Hindi maiaalis ang ganitong pangamba ng FILCOM leaders dahil kamakailan lamang ay mayroon ding napabalitang OFW na ni-rape ng Airport Police ng Kuwait habang ito ay naghihintay ng sasalubong sa kanya sa airport. Matapos na mag-news blackout ang Philippine Embassy ay tuluyan nang hindi nalaman kung ang nasabing OFW ay nabigyan ng hustisya. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
188