SOTTO SA MMDA: ‘WAG LANG EDSA ANG LINISIN SA TRAPIK

edsabus12

(NI NOEL ABUEL)

KUNG seryoso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mabawasan ang lumalalang sikip sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ay dapat na linisin ang lahat ng obstruction sa lansangan.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Public Services Committee sa pamumuno ni Senador Grace Poe, hiniling ni Senate President Vicente Sotto III sa MMDA na unahing linisin ang mga nakahambalang na illegal parking at iba pang obstruction na nakakadagdag sa pagsisikip ng daloy na trapiko.

Inihalimbawa pa ni Sotto ang dinaranas nitong pasakit tuwing umuuwi ng bahay sa Whiteplains mula sa Senado ay halos dalawang oras na kinakain nito dahil na rin sa mga illegal parking.

Kung seryoso aniya ang MMDA na mabawasan ang pagsisikip ng trapiko hindi lang sa EDSA kung hindi sa iba pang lugar sa Metro Manila ay suyurin ang mga lugar kung saan maraming kalsada ang hindi na  madaanan dahil sa mga nakahambalang na sasakyan.

Hamon pa ni Sotto sa MMDA na puntahan ang mga lugar ng Zobel Roxas sa Maynila at Makati, gayundin sa Araullo kung kayang linisin mula sa obstruction at mga illegal parking.

“Sige nga kung kaya ng MMDA na linisin ang Zobel Roxas, bilib na ako sa inyo,” sabi ni Sotto.

Samantala, hindi naman naitago ni Senador Poe ang galit kay MMDA Chair Danilo Lim dahil sa hindi nito pagdalo sa nasabing pagdinig hinggil sa ipinatutupad na provincial bus ban sa Edsa.

“Sentro ng ating pag-uusap ngayong araw ang MMDA sapagkat kayo’y nagpapatupad nito, pero ako’y medyo nalulungkot na ang chair ninyo ay hindi dumalo samantalang sinabi niya, dadalo siya,” giit ni Poe.

“Siguro merong mabigat na dahilan, nais kong marinig bakit wala siya rito, hindi ba niya pinapahalagahan ang pagdinig na ito? O hindi niya pinapahalagahan ang mga pasaherong apektado dito?” sabi nito.

Agad namang tumugon si MMDA General Manager Jojo Garcia sa pagsasabing hindi nakarating si Lim dahilan sa may dinaluhan itong memorandum of agreement signing (MOA).

Kinuwestiyon naman ito ni Poe sa pagsasabing, isang seremonya lamang ang nasabing MOA at 5 minuto lang ang kailangan para matapos ito.

 

184

Related posts

Leave a Comment