(Ni Joel O. Amongo)
Aabot sa P2.2 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo ang sinira ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga noong nakaraang Agosto 14, 2019.
Ang sinirang 45 na kahon ng smuggled cigarettes ay nauna nang nasabat ng pinagsanib na operasyon ng BOC Zamboanga sa pamumuno ni District Collector Sigundo Sigmundfreud Barte sa pakikipagtulungan ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) at iba’t ibang enforcement agencies ng gobyerno.
Ang operasyon ay nag-ugat mula sa impormasyon na natanggap na mayroon umanong hindi madeterminang dami ng smuggled cigarettes na nakasakay sa MV Maria Erlinda ng Montenegro Shipping Lines Inc., isang pampasaherong barko na dumating sa Jolo, Sulu.
Dahil dito, agad na isinagawa ang pre-condemnation activity sa pamamagitan ni Collector Barte kasama ang PCG Task Force Ad¬uana, Joint Task Force Zamboanga, PPA Port Police, ESS, CIIS at iba pang BOC personnel.
Kasabay nito hinikayat naman ni Collector Barte ang civilians na ini-report sa kanila ang smuggling operations upang makatulong sa anti-smuggling campaign ng BOC.
Ito na ang ikalawang operasyon ngayong buwan na bahagi pa rin ng pagsisikap ng ahensya na maalis sa bansa ang peke at smuggled goods para maprotektahan ang lokal at lehitimong negosyante sa bansa gayundin ang kalusugan ng publiko.
Noong nakaraang Agos¬to 5, 2019, mahigit sa 2,000 reams naman ng smuggled cigarettes ang nasabat na nakasakay sa MB Aljin ng BOC.
