(NI NOEL ABUEL)
MALAKI ang maitutulong ng paper trail para madetermina kung sinu-sinong opisyales ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) ang sangkot sa anomalya sa nasabing ahensya.
Ito ang sinabi ni Senador Panfilo Lacson kung saan malaking bagay aniya kung aalamin ang mga transaksyon sa Philhealth sa pamamagitan ng paper trail.
“‘Yun na nga. Paper trail ang isang pwedeng sumagot diyan para makita natin kung may pattern ng anomaly, sino gumagawa ng anomaly. Doon ba sa level ng regional VP sa mga regions, or sa level ng central office? Kasi pag karamihan na anomaly o overpayment, o pagbaligtad ng kaso, nangyari sa PhilHealth board, ang mafia nasa PhilHealth board. Wala sa baba. Pero kung karamihan ng anomaly nagaganap sa regional level, ang mafia naroon nasa mga regions. Ganon lang siguro kasimple,” paliwanag ni Lacson sa panayam sa radyo.
Hindi aniya dapat na maniwala sa mga akusasyon sa isa’t isa ng mga opisyales ng Philhealth dahil siguradong may mali rito.
“Hindi natin pwedeng sabihing ganoon, pwede ring ganoon. Kaya dapat malaman natin. Ang isang paraan para makita natin ‘yan ang paper trail, ang takbo ng mga papeles na nagaganap ang mas maraming anomaly at saan lumalabas ang pera na wala sa lugar,” ayon pa kay Lacson.
“Sa pagpapahayag nitong 7, at least ng present, ang kanilang mga kaso walang criminal. Kasi kung may mafia at natuklasan nina Roy Ferrer at Dr. Salvador na sila ang mafia, dapat ngayon pa lang, kasi matagal na sila naroon, dapat may criminal cases ang mga tao. Pero sa narinig natin noong pagdinig, puro administrative at ang administrative cases nila ang sa bundy clock, time record. Tapos ang nangyari sa kanila pag matatapos ang suspension, isu-suspend na naman. Ang isa hindi pina-report, in-AWOL naman,” dagdag nito.
