(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NANGAKO si Senate Minority Leader Franklin Drilon na haharangin ang anumang pagtatangkang gamitin sa katiwalian ang P19 billion Overseas Filipino workers’ trust fund.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment kaugnay sa panukalang pagbuo ng Department of Overseas Filipino Workers, nagtataka si Drilon kung bakit nagpalit ng posisyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa panukala.
Ipinaalala ni Drilon na noong 17th Congress, tutol ang DOLE sa pagtatag ng hiwalay na Department of OFWs.
“Does the plan to create a separate Department of Overseas Filipino Workers have anything to do with the disposition of the P19 billion trust fund?” tanong ni Drilon.
Nabatid na ang trust fund ay mula sa kontribusyon ng mga OFW para gamitin din sa pangangailangan ng kanilang sektor.
Inaasahang lalago ang pondo sa P40 billion sa susunod na 10 taon.
Nangangamba si Drilon na posibleng maging bukas sa paggamit ng mga pulitiko ang trust fund kung maaprubahan ang hiwalay na departamento.
“Whoever will have control of this department being proposed to be created will have in his control P40-B in 10 years time. It is even beyond the scrutiny of Congress, because the Congress delegated to the Board of Trustees the disposition of these public funds contributed by OFWs,” diin ni Drilon.
Hindi naman masagot nina Labor Undersecretaries Ciriaco Lagunzad III at Jacinto Paras kung bakit nagpalit sila ng posisyon.
173