(NI NOEL ABUEL)
IBINULGAR ni Senador Panfilo Lacson na tatlo pang Chinese drug lords na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang pinayagang makalaya sa Bureau of Corrections (Bucor).
Sinabi ito ng senador sa isang panayam sa GMA News, kung saan maliban aniya sa limang Chinese drug lords na sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che, Wu Hing Sum at Ho Wai Pang na napalaya sa Bucor ay nasundan pa ito ng tatlong Chinese nationals.
“Bukod sa lima, may tatlo pa. Isa na-release sa Davao Penal Colony, Taiwan drug lord naman ‘yan. Tapos meron sa Palawan, dalawa pa, drug lord din, na-release noong April,” sabi ni Lacson.
Paliwanag ng senador, sunud-sunod umano ang pagpapalabas sa piitan sa mga Chinese drug lords gamit ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
“Sunud-sunod mga Chinese drug lords na nire-release, gamit ang GCTA na tinatawag,” aniya pa.
Idinagdag pa ni Lacson na sa kabuuang 1,914 convicts na nakalaya dahil sa GCTA, 48 sa mga ito ay nakakulong dahil din sa illegal na droga.
“So gusto ko makita ang profile ng 1,914 na na-release at very recently ang 48 drug lords. Ano ang background nila? Ano ang kakayahan nila? Kasi kung naiiwan doon ang walang kakayanan at ang makapag-avail lang ng GCTA ang maykaya, maski papaano mag-iisip tayo,” sabi nito.
Sa Lunes, Setyembre 2, ay magsasagawa ng pagdinig ang Senado kung saan aalamin umano nito ang profile ng mga nakalaya na karamihan ay may mga sinabi sa lipunan o may pera at sisiyasatin kung naabuso ang GCTA.
“Aalamin namin sa Lunes. Kasi kukunin namin ang profile, so far ang nakikita natin mga may kaya ang mga nare-release,” ayon pa sa senador.
Sinabi pa ni Lacson na base sa source nito sa New Bilibid Prison ay may kinalaman ang malaking pera sa pagpapalaya sa mga convicts.
“Ang convict sa Chiong sisters, mga may kaya ‘yan sa Cebu. Kay Antonio Sanchez may kaya definitely ‘yan. Pagkatapos itong mga Chinese drug lords, siguradong may kaya. Sabi ng source ko sa NBP, talagang pera-pera nga raw,” giit nito.
Sa kaso ng limang Chinese, hihilingin ni Lacson sa Department of Justice (DOJ) na isuspinde ang deportation proceeding na ginawa ng Bureau of Immigration (BI) laban sa ito habang nirerepaso ang GCTA at ibalik lahat sa loob.
222