MAGING BAHAGI NG SOLUSYON, HUWAG NG PROBLEMA

SA GANANG AKIN

Ang pagdaan ng bagyo sa ating bansa ay hindi na naiiba para sa ating mga Filipino. Taun-taon ay umaabot sa karaniwang bilang na 20 na bagyo ang tumatama sa atin. Ito ay dahil sa lokasyon natin sa Pacific region. Nito lamang nakaraan ay tumama sa Gitnang Luzon ang isang bagyo na pinangalanang Typhoon Jenny. Ito na ang ikasampung bagyong tumama sa Pilipinas na nagdala ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa silangang bahagi ng Luzon.

Upang mas makapaghanda ang mga tao sa Metro Manila, itinaas ang signal ng antas ng mga bagyo sa Metro Manila. Ito ay upang maiwasan ang mga insidente ng stranded ng mga empleyado at mga mag-aaral sa daan sa kasagsagan ng pag-ulan.

Sa prediksyon ng PAGASA, sa Metro Manila direktang tatama si bagyong Jenny kaya’t nag-anunsyo agad ng signal number para sa bagyo ang nasabing ahensya. Ngunit sadyang mahirap talagang magbigay ng prediksyon ukol sa bagyo sa isang bansang may lokasyon gaya sa Pilipinas kaya’t hindi rin inaasahan na lumihis ito sa Metro Manila. Buti na lamang lumihis ang bagyo kaya’t nailigtas ang Kamaynilaan sa matinding baha na isa sa pangunahing suliranin ng bansa pagdating sa usapang bagyo.

Hindi dapat isisi sa Metro Manila Development Authority (MMDA) sa tuwing babahain ang mga lansangan sa Metro Manila kapag mayroong habagat o mga low pressure area.

Isang pahayagan ang naglabas ng balita ukol sa isang report ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na hindi raw nagtagumpay ang MMDA sa pagpapatupad ng mga proyekto nitong ang layunin ay masolusyonan ang pagbaha.

Ang responsibilidad ng COA ay ang bantayan kung natapos ba ng ayon sa iskedyul ang mga proyekto ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at kung nagamit ng maayos ang alokasyon nito sa budget.

Naniniwala akong ginagawa ng MMDA ang kanilang trabaho upang maibsan ang epekto ng bagyo gaya ng pagbaha sa Metro Manila. Ugaliin nating maging mapanuri sa mga balitang lumalabas sa mga pahayagan. Sa halip na hanapan ng mali ang mga ahensyang nagsusumikap na bigyang solusyon ang problema ng ating lipunan, tulungan na lamang natin sila at suportahan. Kung hindi kayang maging bahagi ng solusyon, mainam pa’t manahimik at maging mabuting mamamayan na lamang at huwag nang dumagdag sa problema. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

533

Related posts

Leave a Comment