ANG Ateneo de Manila University pa rin ang nagkakaisang itinuro ng mga kalaban na siyang team-to-beat sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament.
Sa ginanap na preseason press conference kahapon sa MOA Arena, ang mga coach ng pitong member school na makakasagupa ng defending champion Blue Eagles ay nagkakaisa sa kanilang saloobin, kung saan mas naging vocal sina UP mentor Bo Perasol at Franz Pumaren ng Adamson.
“It’s a given that Ateneo is going to be on top,” pahayag ni Perasol.
Wika naman ni Pumaren: “It’s quite obvious already. It’s Ateneo and they should be rated number one. From player one to sixteen skills-wise, they’re all the same.”
Aminado naman si Ateneo coach Tab Baldwin na may pressure sa kanila, kaya ipakikita na lang nila sa laro ang paghahandang isinagawa para sa kampanya sa torneo.
“I know expectations are high for our team and it’s our job to play the best basketball as we can,” wika ng two-time UAAP champion coach na si Baldwin.
Batid rin ng Blue Eagles na mataas ang ekspektasyon sa kanila ngayong taon, lalo na at three-peat ang hinahangad sa final season ng kanyang tatlong pangunahing sundalo na sina Thirdy Ravena, Isaac Go at twins Matt at Mike Nieto.
Inaasahang magbibigay ng magandang laban sa Ateneo ang UP, Adamson, La Salle, FEU at UST, bagamat hindi maaaring balewalain ang UE at NU.
Hindi kagaya sa mga nakaraang taong opening ceremony ng season, walang laro kahapon, sa halip, nagmistulang pep rally ng student-athletes ang nasaksihan.
Sa Miyerkoles ang unang laro sa Smart Araneta Coliseum, kung saan magsasagupa sa alas-10:30 ng umaga ang UST at UE, susundan ng 12:30 p.m. game ng UP at FEU at Ateneo vs Adamson sa alas-4:00 ng hapon.
